Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Parang gusto pa akong itulak eh!’ Sotto, nanawagan sa VIP police escorts: maging mas magalang naman sa kalsada

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-21 15:58:47 ‘Parang gusto pa akong itulak eh!’ Sotto, nanawagan sa VIP police escorts: maging mas magalang naman sa kalsada

NOBYEMBRE 21, 2025 — Sa gitna ng deliberasyon sa Senado para sa panukalang 2026 budget ng Philippine National Police (PNP), binigyang-diin ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang reklamo laban sa asal ng mga pulis na naka-assign bilang escort ng mga VIP. Ayon kay Sotto, madalas na tinatabig ng mga hagad ang ibang motorista, gamit ang sirena at agresibong pagmamaneho, na nagdudulot ng inis at pagkabahala sa publiko.

“Sometimes my plate number is seven, sometimes it’s three. Pero pagdating ng mga hagad at may mga VIP, aba eh tabi-tabi kayo lahat. Parang gusto pa akong itulak eh,” ani Sotto. 

Dagdag pa niya, kung siya mismo ay napapabayaan at naitutulak sa trapiko, mas matindi ang epekto nito sa karaniwang motorista. 

“Konting ano siguro, konting decorum, respectful. Nata-traffic kaming lahat eh,” sabi pa ng Senate President. 

Sa parehong sesyon, ipinaliwanag ni Senador JV Ejercito, sponsor ng budget ng PNP, na may hakbang na ang kapulisan upang bawasan ang bilang ng mga opisyal na may karapatang magkaroon ng convoy escorts. 

Ayon kay Ejercito, mula sa dating mas mahabang listahan, siyam na opisyal na lamang ang pinapayagan. Kabilang dito ang 

  • Pangulo
  • Pangalawang Pangulo
  • Senate President
  • House Speaker
  • Chief Justice ng Korte Suprema
  • ilang kalihim ng gabinete na may sensitibong posisyon

Sinabi rin ni Ejercito na sumasang-ayon si PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. sa suhestiyon ni Sotto na bigyan ng regular na pagsasanay ang mga escort hinggil sa tamang asal at respeto sa kalsada. Layunin nitong maiwasan ang paulit-ulit na paggamit ng sirena at ang sapilitang pagpapatabi sa mga motorista na wala namang magawa sa bigat ng trapiko.

“May we request that you make them undergo regular lectures, reminders like workshop to be more polite and more proper decorum, respectful when they escort the VIPs,” giit ni Sotto. 

(Maaari bang hilingin na isailalim sila sa regular na lecture, paalala, gaya ng workshop para maging mas magalang at may tamang asal kapag nag-e-escort ng VIPs.)

Sa huli, binigyang-diin ni Sotto na ang isyu ay hindi lamang tungkol sa kanya kundi sa libu-libong motorista na araw-araw na nakakaranas ng pang-aabala sa kalsada. Aniya, ang simpleng pagrespeto at tamang asal ng mga escort ay makapagpapagaan sa trapiko at makapagbibigay ng ginhawa sa publiko.



(Larawan: VISOR)