PBBM nagpasabog: Romualdez, Zaldy Co maaaring masampahan ng plunder at bribery
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-21 09:30:30
Nobyembre 21, 2025 - Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maaaring masampahan ng mga kasong plunder at indirect bribery sina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co kaugnay ng mga iregularidad sa mga proyekto ng flood control sa bansa.
Sa isang video message na inilabas noong Nobyembre 21, sinabi ni Marcos na inatasan niya ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na isumite sa Office of the Ombudsman ang lahat ng impormasyong kanilang nakalap laban kina Romualdez at Co. “Nais kong ipaalam sa ating mga kababayan na ang ICI at ang DPWH ay lahat ng nakuha nilang impormasyon ay ibibigay na sa Ombudsman para imbestigahan,” ani ng Pangulo.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng mga alegasyon na may kinalaman sa umano’y P100-bilyong budget insertion para sa flood control projects sa 2025 national budget. Ayon sa naunang pahayag ni Zaldy Co, inutusan umano siya nina Marcos at Romualdez na isingit ang naturang halaga sa badyet, bagay na mariing itinanggi ng Malacañang.
Dagdag pa ni Marcos, “Ang mga kasong ito ay hindi dapat balewalain. Kailangang papanagutin ang sinumang lumabag sa batas, anuman ang kanilang posisyon.” Nilinaw rin ng Pangulo na patuloy siyang magbibigay ng update sa publiko hinggil sa isinasagawang imbestigasyon.
Samantala, wala pang opisyal na pahayag mula kina Romualdez at Co ukol sa anunsyo ng Pangulo. Gayunpaman, ilang mambabatas ang nanawagan ng patas at transparent na proseso sa paghawak ng kaso upang maiwasan ang pamumulitika.
Ang isyu ay nag-ugat sa mas malawak na kampanya ng administrasyon laban sa katiwalian, partikular sa mga proyektong imprastruktura na pinondohan ng bilyon-bilyong piso mula sa kaban ng bayan. Ayon sa ICI, may mga proyektong flood control na hindi natapos o hindi tumutugma sa mga pamantayang teknikal, sa kabila ng malaking pondong inilaan para rito.
Larawan mula PCO
