Diskurso PH
Translate the website into your language:

POGO rep Cassandra Ong wala na sa kustodiya

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-11-21 15:09:21 POGO rep Cassandra Ong wala na sa kustodiya

Nobyembre 21, 2025 - Kinumpirma ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na si Cassandra Li Ong, kinikilalang kinatawan ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) firm na Lucky South 99, ay wala na sa kustodiya ng pamahalaan at kasalukuyang “at large.” 

Ibinunyag ito ng senador sa plenary debates ng 2026 national budget matapos tanungin ni Senadora Risa Hontiveros hinggil sa estado ng kaso ni Ong.

Ayon kay Gatchalian, batay sa impormasyon mula kay DOJ officer-in-charge Fredderick Vida, si Ong ay nakalabas na mula sa Correctional Institution for Women (CIW). “Ngayon si Cassandra Li Ong naka-release po siya, so hindi siya [nakakulong],” ani Gatchalian. 

Nagulat si Hontiveros sa naturang impormasyon, lalo’t siya ang namumuno sa Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality na nagsagawa ng imbestigasyon sa mga ilegal na aktibidad ng POGO hubs sa Pampanga at Tarlac.

Dagdag pa ni Gatchalian, lumabas si Ong mula sa detention dahil sa transition mula sa ika-19 patungong ika-20 Kongreso. Sa panahong iyon, wala pang naihahaing kaso laban sa kanya. “At that point, wala pang kaso. Unfortunately, noong nakalabas siya saka lang na-file ang kaso, at large siya ngayon,” paliwanag ng senador.

Si Ong ay naging sentro ng kontrobersiya matapos siyang pangalanan bilang dokumentadong kinatawan ng Lucky South 99, isang POGO firm na nasangkot sa mga alegasyon ng human trafficking, illegal detention, at iba pang krimen. 

Noong 2024, siya ay ipinakulong ng House of Representatives matapos ma-cite in contempt sa mga pagdinig kaugnay ng POGO operations, ngunit kalaunan ay inilipat sa CIW.

Sa kasalukuyan, nananatiling hamon sa mga awtoridad ang paghahanap kay Ong at ang pag-usad ng mga kasong kriminal laban sa kanya. Nanawagan si Hontiveros ng mas malinaw na aksyon mula sa DOJ at iba pang kaukulang ahensya upang matiyak na hindi makakatakas sa pananagutan ang mga sangkot sa POGO-related crimes.