Diskurso PH
Translate the website into your language:

DOH, isinusulong ang total vape ban sa Pinas bago tuluyang lamunin ang kabataan

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-23 15:52:24 DOH, isinusulong ang total vape ban sa Pinas bago tuluyang lamunin ang kabataan

NOBYEMBRE 23, 2025 — Dahil sa patuloy na pagdami ng kabataang gumagamit ng vape, muling iginiit ng Department of Health (DOH) ang panawagan para sa total ban ng naturang produkto sa bansa. Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, hindi na sapat ang kasalukuyang regulasyon na nagtatakda ng edad na 18 pataas para makagamit ng vape, dahil malinaw na nakakalusot ang mga menor de edad.

“Eighteen years old and above ang pwedeng mag-vape pero umikot ka at tingnan mo ang mga bata — naka highschool uniform — may vape implement sa mga leeg nila at makikita mong nag-va-vape,” ani Herbosa. 

Dagdag pa niya, mas mainam na tuluyang ipagbawal ang produkto kaysa magpatuloy ang kalakaran na madaling maabot ng kabataan. 

“Kailangan either striktuhan natin ’yung batas na pinasa natin, o baka mas madali mag-total ban na lang tayo para wala na mabili itong mga kabataan,” sabi ng kalihim. 

Binanggit ni Herbosa na agresibo ang taktika ng industriya ng vape sa pag-akit ng kabataan — mula sa makukulay na disenyo, cartoon-themed packaging, hanggang sa iba’t ibang flavored na produkto. 

“At nakita mo tuluyan ang advertising ng ating vape industry, may flavored, may cartoons, so totally ang mina-market nila sa ating mga kabataan kasi kapag nalulong ka sa vape hindi ka na makakaalis diyan,” aniya. 

Binigyang-diin din ng DOH chief na ang vape, na unang ipinakilala bilang alternatibo para sa mga naninigarilyo, ay nagiging mas mapanganib pa kaysa sigarilyo. 

“Noong una, prinomote ang vape as a way to get away from cigarette … pero napalitan nila ng ibang produkto, na apparently, mas masama pa,” ani Herbosa. 

Samantala, nananatili ang maling pananaw na mas ligtas ang vaping kaysa paninigarilyo. 

“Upto today, mina-market na vaping is less harmful than cigarette smoking — less harmful, edi harmful,” giit ni Herbosa. 

Noong Marso, nanawagan ang mga doktor at health advocates sa mga kandidato sa 2025 midterm elections na isama sa kanilang plataporma ang mas mataas na buwis sa sigarilyo, vape, at alak. Ayon sa kanila, makatutulong ito upang mabawasan ang konsumo at maprotektahan ang kalusugan ng publiko. 

Sa parehong pahayag, binalaan din nila ang pamahalaan sa lumalalang “youth epidemic” na dulot ng paggamit ng tobacco, vaping, at alak.



(Larawan: Philippine News Agency)