Diskurso PH
Translate the website into your language:

Buwelta ni Imee sa kapatid: 'Bongbong, ako 'to'

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-11-24 19:48:14 Buwelta ni Imee sa kapatid: 'Bongbong, ako 'to'

NOBYEMBRE 24, 2025 — Nagpatuloy ang banggaan ng magkapatid na Marcos matapos diretsong sagutin ni Senadora Imee Marcos ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na ang “lady you see talking on TV is not my sister.”

Sa isang matapang na tugon, binigyang-diin ng senadora: “Bongbong, ako ’to, kung anu-ano na nakikita mo ading. Patunayan mong mali ako – gusto kong mali ako.” 

Ang sagot ni Imee ay kaugnay pa rin ng kanyang mga pahayag sa isang peace rally noong nakaraang linggo, kung saan binanatan niya ang Pangulo at ang First Family, at iniuugnay sila sa umano’y paggamit ng ilegal na droga.

Sa panig ng Pangulo, kapansin-pansin ang maingat ngunit matatag na tono sa press briefing sa Palasyo. 

Aniya, “It’s anathema to me to talk about family matters in public. I do not like to show our dirty linen in public.” 

(Hindi ko ugali na pag-usapan ang mga bagay ng pamilya sa publiko. Ayaw kong ipakita ang maruming labahan sa publiko.)

Gayunman, nagpahayag ang Pangulo ng matinding pag-aalala sa kalagayan ng kanyang kapatid, at binanggit na matagal na itong napapansin ng kanilang pamilya at mga kaibigan. Ayon sa kanya, iisa ang obserbasyon ng mga malalapit sa kanila hinggil sa kondisyon ng senadora, at umaasa siyang bumuti ang lagay nito sa lalong madaling panahon.

Nang tanungin kung may balak ba siyang makipag-usap kay Imee, sinabi ng Pangulo na hindi na sila nagkakasama sa parehong mga ‘circles,’ pampulitika man o personal, kaya’t wala siyang planong makipag-ugnayan.

Sa ngayon, nananatiling mainit ang usapin sa publiko. Habang mariing itinanggi ng Pangulo ang mga alegasyon, mas pinili niyang ipakita ang pag-aalala kaysa galit. Samantala, ang matapang na sagot ni Imee ay tila nagbabadya na hindi pa tapos ang kanilang pampublikong banggaan.



(Larawan: Senator Imee R. Marcos | Facebook)