Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: Byahe sa mga bus terminal sa Cebu, nananatiling normal maliban sa mga inter-island routes

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-11-24 23:08:37 Tingnan: Byahe sa mga bus terminal sa Cebu, nananatiling normal maliban sa mga inter-island routes

CEBU, Philippines Nanatiling normal ang operasyon ng mga bus terminal na pinamamahalaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu sa kabila ng epekto ng Tropical Depression “Verbena,” maliban lamang sa mga inter-island routes na pansamantalang kanselado.

Ayon kay Ahmed Cuizon, Bus Terminal Administrator ng Cebu Province, tuloy-tuloy ang biyahe ng mga bus papunta at mula Cebu-South ngayong gabi. Sa Cebu South Bus Terminal (CSBT), bukas ang biyahe ng Bato-Oslob at Bato-Barili hanggang 11:00 PM, na siyang karaniwang huling trip sa mga rutang patungong timog.

Magbubukas din muli ang operasyon ng terminal simula 1:00 AM bukas, Nobyembre 25, 2025, bilang bahagi ng regular na schedule. Iniulat rin na lahat ng kalsada papunta at mula sa southern destinations ay passable o madaanan sa kasalukuyan.

Gayunpaman, kanselado muna ang mga inter-island trips kabilang ang biyahe papunta at mula Siquijor, Zamboanga at Dumaguete, bilang pag-iingat sa banta ng masamang panahon.

Normal din ang operasyon ng mga bus papuntang Cebu-North, maliban sa mga rutang nangangailangan ng paglalayag palabas ng Cebu.

Pinayuhan ang mga pasaherong apektado ng kanselasyon na bumalik muna sa kanilang tahanan o pinanggalingan at maghintay ng karagdagang abiso mula sa mga awtoridad at terminal management.

Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang pamahalaang panlalawigan sa mga transport operators upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa gitna ng sama ng panahon. (Larawan: Cebu Province / Facebook)