PSO Legazpi, nagpaalala laban sa pagtanggal ng ‘wheel clamp’
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-11-29 00:07:30
LEGAZPI — Naglabas ng mahigpit na paalala ang Public Safety Office (PSO) ng Legazpi City sa mga motorista matapos maitala ang ilang insidente kung saan pinipilit umanong tanggalin ng mga lumabag ang wheel clamp na nakakabit sa kanilang sasakyan.
Ayon sa PSO, mahigpit na ipinagbabawal ang sinumang magtatangkang alisin ang wheel clamping device o tanggalin mismo ang gulong habang naka-clamp ito, dahil maaari itong magdulot ng mas malaking pinsala—hindi lamang sa sasakyan kundi pati na rin sa motorista.
Sa opisyal na pahayag, binigyang-diin ng PSO na ang tamang proseso kapag na-clamp ang isang sasakyan ay:
“…makipag-ugnayan lamang sa pinakamalapit na Public Safety Officer na nasa area, o kaya’y pumunta direkta sa Opisina ng Public Safety na matatagpuan sa harap ng Pag-IBIG Fund, Brgy. 37 Bitano, Legazpi City, katabi lamang ng Legazpi City Police Station. Maraming salamat po sa inyong pakikipagtulungan.”
Nilinaw rin ng PSO na ang wheel clamping ay bahagi ng kanilang traffic discipline program na layong mabawasan ang illegal parking at mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko sa lungsod. Ang mga motorista na nagtatangkang sirain o alisin ang clamp ay maaaring managot at maharap sa karagdagang multa o posibleng kaso.
Hinikayat ng PSO ang publiko na sundin ang mga itinalagang parking rules at makipagtulungan upang masiguro ang kaligtasan at kaayusan sa mga pangunahing lansangan ng Legazpi City. (Larawan: PSO Legazpi / Facebook)
