'Tragic!' Leviste, binatikos ang House — suspensyon kay Barzaga, mas inuna pa kesa probe kay Gardiola
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-03 18:59:30
DISYEMBRE 3, 2025 — Nagpahayag ng matinding pagkadismaya si Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste matapos suspindihin ng Kamara si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, habang nananatiling walang aksyon sa mga alegasyon ng korapsiyon laban kay Construction Workers Solidarity (CWS) Party-list Rep. Edwin Gardiola.
Sa plenary session nitong Lunes, pinatawan ng 60-araw na suspensiyon si Barzaga dahil sa reklamong etika kaugnay ng umano’y “reckless, offensive, and irresponsible use of his social media platform” na “unbefitting of a House member.”
Ngunit para kay Leviste, mas mabigat ang akusasyon laban kay Gardiola na may kinalaman sa umano’y iregularidad sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“I find it tragic that we prioritized the case of Congressman Barzaga before Congress even acted on the allegations — before even conducting an investigation into the allegations involving Congressman Gardiola’s DPWH projects,” ani Leviste.
(Nakakadismaya na inuna ang kaso ni Congressman Barzaga bago pa man kumilos ang Kongreso sa mga alegasyon — bago pa man magsagawa ng imbestigasyon sa mga paratang laban kay Congressman Gardiola hinggil sa mga proyekto ng DPWH.)
Ayon kay Leviste, hindi malinaw sa mga patakaran ng Kamara na mas mabigat ang isang post sa social media kaysa sa alegasyon ng bilyon-bilyong pisong anomalya.
Noong nakaraan, idiniin ni Leviste si Gardiola bilang ikalawang pinakamalaking tagapagtaguyod ng mga proyekto ng DPWH. Giit pa niya, mga kumpanyang konektado kay Gardiola ang nakakuha ng tinatayang ₱22 bilyon na proyekto sa 2025 DPWH National Expenditure Program.
Sa parehong sesyon kung saan sinuspinde si Barzaga, nakita ni Leviste si Gardiola na tila walang pakialam sa mga akusasyon.
“I was hoping to hear him respond to the allegations, and instead, what I saw is that he attended the session and walked around the session hall talking to other members of Congress as if nothing happened,” wika ni Leviste.
(Umaasa akong maririnig ang kanyang sagot sa mga alegasyon, ngunit ang nakita ko ay dumalo siya sa sesyon at naglakad-lakad sa plenaryo na parang walang nangyari.)
Dagdag pa niya, nakakadismaya na tila normal lang para sa ilang miyembro ng Kamara na may kasamahan silang inaakusahan ng bilyon-bilyong pisong korapsiyon ngunit walang paliwanag.
Sa insidenteng iyon, nakakuha pa si Leviste ng selfie kasama si Gardiola — na tinawag ng huli bilang “attempt to rage-bait, ridicule, and malign.”
Depensa naman ni Leviste, tatlong buwan na niyang hindi nakikita si Gardiola sa plenaryo at instinct lamang ang nagtulak sa kanya na kuhanan ng larawan ang pagkakataon.
“Congressmen were asked to attend the session to vote on the suspension of Congressman Barzaga … and for whatever reason, it was the first time that I saw Congressman Gardiola in the plenary session in three months. When I entered the hallway, he was right there … my instinct was to capture the moment,” paliwanag niya.
(Pinatawag ang mga kongresista para bumoto sa suspensiyon ni Congressman Barzaga … at sa kung anong dahilan, iyon ang unang pagkakataon sa tatlong buwan na nakita ko si Congressman Gardiola sa plenaryo. Pagpasok ko sa hallway, nandoon siya … instinct ko na kuhanan ang sandali.)
Sa huli, binunyag ni Leviste na dati nang nangako si Gardiola na makikipag-usap kasama ang Speaker, ngunit hindi na ito natuloy matapos niyang ilabas sa publiko ang mga pahayag.
(Larawan: YouTube)
