₱11.1B halaga ng bakuna, gamot nasayang ayon sa Commission on Audit
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-03 08:41:14
MANILA — Binatikos ni Senador Joel Villanueva ang Department of Health (DOH) matapos matuklasan na mahigit ₱11.1 bilyong halaga ng mga gamot, bakuna, at medical supplies ang nasayang at hindi nagamit, karamihan ay kaugnay ng COVID-19 response.
Ayon sa ulat ng Commission on Audit (COA), ang mga produktong pangkalusugan ay nag-expire habang nakatambak sa mga bodega ng DOH at sa iba’t ibang health facilities sa bansa. Kabilang dito ang milyon-milyong vials ng COVID-19 vaccine, mga gamot, at protective equipment na hindi naipamahagi sa tamang oras.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Villanueva: “Why did the Department of Health allow billions of pesos worth of medical products to end up in garbage bins?” Dagdag pa niya, ang kapabayaan ng ahensya ay “unjustifiable” at malinaw na pag-aaksaya ng pondo ng bayan.
Nagpasa si Villanueva ng Senate Resolution No. 1326 upang imbestigahan ang insidente at papanagutin ang mga opisyal na responsable. Suportado rin ng AGRI Party-list Representative Wilbert Lee ang panawagan, na nagsabing: “Buo ang suporta natin sa panawagang ito ni Senator Joel Villanueva para imbestigahan din sa Senado ang malaking kapabayaan at malaking kasalanan na ito sa taumbayan.”
Batay sa datos ng COA, mula 2020 hanggang 2023 ay paulit-ulit nang naitala ang problema ng DOH sa improper storage at delayed distribution ng medical supplies. Sa ulat ng Manila Times, tinukoy na 7,035,161 vials ng COVID-19 vaccine ang kabilang sa mga nag-expire.
Binigyang-diin ni Villanueva na ang insidente ay hindi lamang usapin ng pondo kundi ng kaligtasan at kalusugan ng publiko, lalo na sa panahon ng pandemya. Aniya, dapat tiyakin ng pamahalaan na ang bawat pisong ginastos para sa kalusugan ay may katumbas na benepisyo sa mamamayan.
