Lifetime PWD ID para sa may permanenteng kapansanan, inihain sa Kamara
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-03 08:41:15
MANILA — Isinusulong ni Parañaque City 2nd District Rep. Brian Raymund Yamsuan ang panukalang batas na magbibigay ng panghabambuhay na bisa sa Persons with Disability (PWD) identification cards para sa mga Pilipinong may permanenteng kapansanan.
Sa ilalim ng House Bill No. 6306, layon ni Yamsuan na amyendahan ang Republic Act No. 7277 o Magna Carta for Disabled Persons upang alisin ang paulit-ulit na proseso ng renewal para sa mga PWD na may lifelong disabilities. “Let’s simplify and make the process easy for them by providing lifetime validity of their PWD IDs free of charge,” ani Yamsuan.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang kasalukuyang sistema ay nag-aatas ng renewal kada limang taon, na nangangailangan ng bagong medical certificate at bayad sa renewal fee. Para sa mga may permanenteng kondisyon, aniya, ito ay “unnecessary and burdensome” at lalo pang nagpapahirap sa mga PWD na kabilang sa low-income families.
Dagdag pa ni Yamsuan, ang panukala ay komplemento sa mga hakbang ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA) upang ipatupad ang unified PWD ID system. Sa ilalim ng HB 6306, ang mga ID na ibibigay sa mga may permanenteng kapansanan ay magiging libre at valid sa buong buhay ng cardholder, habang ang renewal ay mananatili lamang para sa mga may temporary o progressive conditions.
Binanggit din ng kongresista na ang panukala ay makakatulong upang mabawasan ang distress at inconvenience na nararanasan ng mga PWD at kanilang pamilya. “The renewal of PWD IDs for those with temporary or progressive conditions is reasonable, but for people with lifelong disabilities, especially those from low-income families, this process is unnecessary and only adds to their distress and inconvenience,” dagdag ni Yamsuan.
Kung maisasabatas, inaasahang makikinabang ang libo-libong Pilipino na may permanenteng kapansanan, dahil hindi na nila kakailanganing dumaan sa paulit-ulit na proseso ng renewal at gastos.
