Diskurso PH
Translate the website into your language:

Online shopping sinisisi sa paghina ng benta sa Divisoria

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-03 08:41:16 Online shopping sinisisi sa paghina ng benta sa Divisoria

MANILA — Inirereklamo ng mga tindero sa Divisoria, kilalang pamilihan ng murang paninda sa Maynila, ang mabagal na benta ngayong holiday season. Ayon sa kanila, lumiliit ang kita dahil mas pinipili ng maraming mamimili ang online shopping platforms na nag-aalok ng mas maginhawang transaksiyon at delivery services.

Umaaray na talaga kami. Dati, pag-Disyembre, dagsa ang tao dito. Ngayon, mas marami na ang bumibili online,” pahayag ni Marites Santos, isang vendor ng damit sa Divisoria. Dagdag pa niya, kahit bumaba ang presyo ng kanilang paninda, hindi pa rin bumabalik ang dating dami ng mamimili.

Batay sa obserbasyon ng mga negosyante, mas pinipili ng mga mamimili ang Shopee, Lazada, at iba pang e-commerce sites dahil sa mga promo, free shipping, at cash-on-delivery options. Ayon kay Jose Ramirez, nagtitinda ng laruan, “Kahit magbigay kami ng discount, hirap pa rin makipagsabayan sa mga online sale.

Sa kabila nito, naniniwala ang ilang vendor na may mga loyal customers pa rin na bumabalik sa Divisoria para sa bulk buying at personal na pagtawad. Gayunpaman, aminado silang hindi na kasing lakas ng dati ang benta tuwing Kapaskuhan.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), patuloy ang paglago ng e-commerce sector sa bansa, na lumobo ng higit 20% ngayong taon. Ito ang nakikitang pangunahing dahilan kung bakit naapektuhan ang mga tradisyunal na pamilihan gaya ng Divisoria.

Larawan mula Thrillophilia