P13.5M na ebidensya, kinulimbat umano ng 6 na pulis — pekeng pera ang isinoli!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-03 16:06:53
DISYEMBRE 3, 2025 — Anim na miyembro ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nahaharap sa mabibigat na kaso matapos madiskubreng pinalitan umano nila ng boodle money ang ₱13.5 milyon na ebidensyang pera mula sa operasyon laban sa isang scam hub sa Bagac, Bataan noong Oktubre 2024. Ang naturang halaga ay bahagi ng kabuuang ₱141 milyon na nakumpiska ng PAOCC at PNP-CIDG.
Nabunyag ang anomalya nang ipag-utos ng korte na ibalik ang lahat ng nakumpiskang pera matapos ideklarang ilegal ang isinagawang search. Sa pagbubukas ng kahon na dapat naglalaman ng ₱13.5 milyon, mga photocopy ng pera ang tumambad. Sa kanyang sinumpaang pahayag, inamin ni Patrolman Christian Andaya na pinaghati-hatian ng anim na pulis ang naturang pera, at umano’y utos pa ng nakatataas na opisyal.
“Whether they deny it or not, the record will show they have something to do with that. It’s good that there is an admission on their part,” ayon kay acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
(Kahit itanggi nila, makikita sa rekord na may kinalaman sila. Mabuti na lang at may pag-amin sa kanilang panig.)
Sa ulat na isinumite kay PNP Chief at sa Napolcom, inilatag ni CIDG Acting Director PMaj. Gen. Robert Morico ang umano’y breakdown ng hatian.
Aniya, “There was no proper turnover conducted by Lt. Col. Arandia … accordingly, he took the boxes of evidence to his house.”
(Walang maayos na turnover na isinagawa ni Lt. Col. Arandia … ayon sa ulat, dinala niya ang mga kahon ng ebidensya sa kanyang bahay.)
Itinanggi naman ito ni dating CIDG Anti-Organized Crime Unit head P/Lt. Col. Joey Arandia na iginiit na maayos niyang naiturn over ang lahat ng hawak na pera.
Dahil sa insidente, inilagay sa restrictive custody ang anim na pulis habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
May impormasyon na balak umano nilang isauli ang perang kinulimbat, ngunit giit ni Napolcom Vice Chairperson Raffy Calinisan, “Pinaghahatian n’yo, nung nabisto, kaya isosoli ‘to? You are still criminally liable.”
Kabilang sa mga kasong posibleng kaharapin ng mga sangkot ay qualified theft, malversation of public funds, falsification of public documents, opening of closed documents, at illegal possession o paggamit ng pekeng treasury notes.
(Larawan: CIDG NCR | Facebook)
