Bato nagtatago sa Pampanga, warrant of arrest ng ICC umiiral pa — Remulla
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-07 18:15:21
DISYEMBRE 7, 2025 — Iginiit ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na nananatiling umiiral ang arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na iniuugnay sa madugong kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
“Mayroon (arrest warrant) pero may mga bagay ako na hindi puwede sabihin,” pahayag ni Remulla.
Dagdag pa ng Ombudsman, hindi pa umaalis ng bansa si Dela Rosa.
“He’s supposed to be in Pampanga. We’re tracing his whereabouts once in a while,” aniya.
(Dapat nasa Pampanga siya. Minsan-minsan ay tinutunton namin ang kanyang kinaroroonan,” dagdag niya.)
Noong Nobyembre 11, kinumpirma ni Remulla na nakatanggap siya ng kopya ng “unofficial” ICC warrant laban sa dating hepe ng PNP. Ang dokumento ay kaugnay ng mga reklamo hinggil sa libu-libong nasawi sa anti-drug operations sa ilalim ng pamumuno ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, nilinaw ng Department of Justice na wala pang natatanggap na pormal na abiso mula sa Interpol para ipatupad ang naturang warrant. Ayon sa DOJ, kung sakaling may opisyal na kautusan, igagalang ng pamahalaan ang proseso sa Korte Suprema, lalo na’t may nakabinbing petisyon si Dela Rosa na kumukuwestiyon sa bisa ng ICC.
Iginiit naman ng kampo ng senador na walang bisa ang anumang warrant mula ICC matapos umatras ang Pilipinas sa Rome Statute. Giit ng kanyang abogado, walang konsepto ng “validated warrant” sa lokal na batas at hindi awtomatikong kikilalanin ang ICC sa teritoryo ng bansa.
Sa kabila ng mga pahayag, nananatiling palaisipan kung paano haharapin ng pamahalaan ang usapin, lalo na’t nakatutok ang mata ng publiko sa magiging tugon ng mga institusyon sa isang kasong may bigat sa pandaigdigang entablado.
(Larawan: Human Rights Watch)
