‘Kahit po Barangay Captain lang, hindi po ako qualified’ — Pag-amin ni Sen. Lito Lapid, dahil kulang umano ang kanyang pinag-aralan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-09 23:47:53
MANILA, Philippines — Umamin ang movie actor–turned–senator na si Lito Lapid na batid niyang hindi siya magiging kwalipikado kahit pa sa posisyon ng barangay captain o barangay kagawad, sa gitna ng patuloy na batikos sa kanyang naging performance bilang mambabatas.
Sa isang pahayag, sinabi ni Lapid na mula pa nang una siyang pumasok sa pulitika ay alam na niya na limitado ang kanyang educational attainment, dahilan kung bakit hindi raw siya maituturing na kwalipikado sa mga pamantayan ng ilan. Gayunpaman, iginiit niya na wala na siyang magagawa pa ukol dito at tinanggap na lamang niya ang naging takbo ng kanyang kapalaran.
Ayon pa sa senador, hindi naman daw sukatan ng kakayahang maglingkod ang taas ng pinag-aralan, bagkus ay ang malasakit at hangaring tumulong sa mamamayan ang mas mahalaga. Aniya, patuloy pa rin siyang nagsisikap na gampanan ang kanyang tungkulin sa kabila ng mga puna at duda ng ilan.
Umani ng magkakahalong reaksyon ang naturang pahayag mula sa publiko. May mga umunawa sa kanyang pagiging bukas tungkol sa personal niyang kahinaan, habang ang iba naman ay mas lalong nanindigan na dapat itaas ang pamantayan para sa mga nais humawak ng matataas na posisyon sa gobyerno. Hanggang sa ngayon, patuloy pa ring hinahati ng isyung ito ang opinyon ng publiko hinggil sa kwalipikasyon at pananagutan ng mga halal na opisyal ng bansa. (Larawan: Lito Lapid / Facebook)
