MMDA umapela: Stop mall sales! Holiday trapik lumalala
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-11 08:05:14
MANILA — Nanawagan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga mall operators na umiwas muna sa pagsasagawa ng malakihang mall-wide sales ngayong holiday season dahil nagdudulot umano ito ng matinding pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.
Sa isang press briefing sa Palasyo, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na nakapansin ang ahensya ng matinding pagbigat ng trapiko sa kahabaan ng Marcos Highway noong nakaraang weekend nang sabay-sabay na lumabas ang mga mamimili matapos magsara ang mga mall.
“Perhaps they should be temporarily prohibited because, coincidentally, when the mall closed, everyone came out at the same time, which really caused extremely heavy traffic flow,” paliwanag ni Artes.
Nilinaw niya na hindi nila sinisisi ang mga may-ari ng mall ngunit binigyang-diin na ang pag-iwas sa ganitong uri ng sale ay makatutulong upang maibsan ang trapiko. “We are not blaming the mall owners. What we are saying is that we are politely asking them, if possible, not to hold mall-wide sales because they really do cause traffic,” dagdag pa niya.
Batay sa datos ng MMDA, umabot na sa 450,000 sasakyan kada araw ang dumaraan sa EDSA, higit na mas mataas kaysa sa disenyo nitong kapasidad na 250,000 sasakyan. Ayon kay Artes, karaniwang lumalala ang trapiko tuwing Kapaskuhan dahil dagsa ang mga mamimili sa mga mall at komersyal na sentro.
“Sobra po kasi ang volume ng sasakyan… umaabot po talaga ng 450,000 ang vehicles sa EDSA alone – iyan po ay more than the 250,000 capacity,” aniya.
Nanawagan din ang MMDA sa mga motorista na bawasan ang paggamit ng pribadong sasakyan at isaalang-alang ang alternatibong paraan ng transportasyon ngayong holiday rush. Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa mga mall operators upang ayusin ang operating hours at pamamahala ng parking facilities para mabawasan ang abala sa trapiko.
Matagal nang suliranin ang congestion sa Metro Manila, lalo na tuwing Disyembre kung kailan tumataas ang aktibidad ng mga mamimili. Ang panawagan ng MMDA ay nagpapakita ng pangangailangan ng mas malapit na kooperasyon sa pagitan ng pamahalaan at pribadong sektor upang mapanatili ang balanse sa pagitan ng paglago ng ekonomiya at kaginhawaan ng publiko.
