Diskurso PH
Translate the website into your language:

Tingnan: ‘Wellness leave’ para sa mga government employees, inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC)

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-09 23:40:16 Tingnan: ‘Wellness leave’ para sa mga government employees, inaprubahan ng Civil Service Commission (CSC)

MANILA, Philippines — Opisyal nang inaprubahan ng Philippine Civil Service Commission (CSC) ang CSC Resolution No. 2501292 na magbibigay ng hanggang limang (5) araw na wellness leave para sa mga kwalipikadong empleyado ng pamahalaan, bilang bahagi ng pagpapatupad ng RA No. 11036 o Mental Health Act.

Layunin ng bagong polisiya na palakasin ang pangangalaga sa mental health at pangkalahatang kapakanan ng mga kawani ng gobyerno. Sa pamamagitan ng wellness leave, magkakaroon ng pagkakataon ang mga empleyado na magpahinga, makabawi ng lakas, at maalagaan ang kanilang emosyonal at sikolohikal na kalagayan nang hindi kinakailangang magbigay ng masyadong mabigat na dokumentasyon.

Ayon kay CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap, mahalaga ang hakbang na ito sa paglikha ng mas maayos at makataong kapaligiran sa serbisyo publiko. “The Wellness Leave is a proactive response to the realities faced by our workforce today. By giving employees the space to rest, recover, and care for themselves, we reinforce a public service environment that is compassionate, resilient, and more responsive to the needs of the Filipino people,” pahayag ni Yap.

Batay sa CSC, inaasahang makatutulong ang wellness leave upang mabawasan ang burnout, stress, at mental health challenges na kinahaharap ng maraming kawani ng gobyerno, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng workload at presyon sa trabaho.

Itinuturing ang hakbang na ito bilang isang mahalagang reporma sa human resource policies ng pamahalaan, na naglalayong hindi lamang mapabuti ang kalagayan ng mga empleyado kundi mapataas din ang kalidad ng serbisyong naibibigay sa publiko. (Larawan: CSC / Google)