Pumuti na ang uwak! Viral ‘white crow’ spotted sa Misamis Oriental
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-12-12 08:48:50
MISAMIS ORIENTAL — Isang pambihirang tanawin ang nakunan ng litrato ng isang wildlife photographer sa bayan ng Jasaan, Misamis Oriental: isang puting uwak na agad na nag-viral at umani ng atensyon mula sa mga nature enthusiasts at wildlife photographers sa buong bansa.
Ayon sa ulat, si Jun Rey Yap, isang bird photographer mula Cagayan de Oro, ang nakakuha ng mga larawan ng kakaibang ibon noong nakaraang buwan. “’Yung nakita ko ‘yung white crow, very unique kaya pinuntahan ko ‘yun sa Jasaan,” ani Yap. Dagdag pa niya, “Nakita ko po sa isang vlog kaya po na-encourage ako na puntahan talaga. As a wildlife photographer, ‘pag may nakikita kaming rare, ma-spot kami, very special para sa ’min.”
Batay sa kuwento ng lokal na pamilya na nag-alaga sa ibon, natagpuan ito noong 2020 ng batang si Jaybert Ebalang na anak ni Orvelle Ebalang. Ayon kay Orvelle, “Pumunta ang aking bunso sa kuwan. Mayroon siyang nakita na puti na ibon.” Ang puting uwak ay nasugatan nang una itong makita at agad nilang inuwi upang alagaan. Simula noon, nanatili itong ligtas sa kanilang pangangalaga.
Ang puting uwak ay itinuturing na napakabihira. Karaniwang kulay itim ang mga uwak, ngunit ayon sa mga eksperto, maaaring dulot ng genetic mutation o leucism ang kakaibang kulay nito. Dahil dito, naging tampok ang ibon sa mga social media posts at nagdulot ng samu’t saring reaksyon mula sa publiko.
Binanggit ng ilang netizens ang kasabihang “magbago na kayo” na karaniwang inuugnay sa mga puting uwak, dahil sa paniniwalang halos imposibleng makakita ng ganitong uri ng ibon. Ang pagkakatuklas sa Jasaan ay nagbigay ng bagong interes sa mga lokal na alamat at paniniwala hinggil sa mga kakaibang hayop.
Samantala, pinaalalahanan ng mga wildlife advocates na bagama’t nakakaaliw at nakamamangha ang ganitong mga natuklasan, mahalagang igalang ang kalikasan at tiyakin ang tamang pangangalaga sa mga hayop. Nanawagan sila na huwag gambalain ang puting uwak sa natural nitong tirahan upang mapanatili ang kaligtasan nito.
Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa yaman ng biodiversity sa Mindanao, partikular sa Misamis Oriental, na kilala sa mga natatanging hayop at likas na yaman. Para sa mga wildlife photographers tulad ni Yap, ang pagkakakita sa puting uwak ay hindi lamang isang bihirang pagkakataon kundi isang paalala ng kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan.
Larawan mula kay Jun Rey Yap
