CADENA Act, pasado sa ikatlo’t huling pagbasa sa Senado — bawat piso ng gobyerno, mabubusisi’t masusubaybayan na!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-16 11:58:34
DISYEMBRE 16, 2025 — Sa botong 17-0, tuluyang ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1506 o Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act. Layunin ng panukala na gawing mas malinaw at masusuri ng publiko ang lahat ng gastusin ng pamahalaan sa pamamagitan ng digital na sistema.
Sa ilalim ng CADENA, obligadong i-upload ng lahat ng ahensya ng gobyerno ang kumpletong dokumento kaugnay ng budget — mula kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials, hanggang procurement records. Ang hindi pagtupad o pagbibigay ng maling datos ay may kaakibat na administratibo at kriminal na parusa.
Kasama sa panukala ang pagtatatag ng National Budget Blockchain System, na magsisilbing imbakan ng lahat ng transaksyon sa budget bilang Digital Public Records. Ang blockchain, na kilala sa paggamit sa cryptocurrency, ay gagamitin dito upang matiyak na hindi matatamper ang mga talaan.
Sa teknolohiyang ito, bawat piso ay matutunton, bawat transaksyon ay masusuri, at bawat rekord ay protektado laban sa manipulasyon.
“Applied to the management of public funds, blockchain can make every peso traceable, every transaction auditable, and every record tamper-proof,” ayon sa explanatory note ng panukala.
(Sa pamamahala ng pondo ng bayan, magagawa ng blockchain na matunton ang bawat piso, masuri ang bawat transaksyon, at gawing hindi matitinag ang bawat rekord.)
Pinuri ni Senador Bam Aquino, pangunahing may-akda ng CADENA, ang pagkakapasa ng batas.
“Once the Cadena Act is enacted, the people will be able to see and monitor where every peso funded by the government goes,” aniya.
(Kapag naisabatas na ang Cadena Act, makikita at mamomonitor na ng taumbayan kung saan napupunta ang bawat pisong mula sa gobyerno.)
Dagdag pa ni Aquino, “If you look at this transparency measure, kung hindi nangyayari iyong nangyayari ngayon na investigation, palagay ko walang chance iyan.”
(Kung titingnan ang transparency measure na ito, kung wala ang kasalukuyang imbestigasyon, palagay ko walang tsansa itong maipasa.)
Sa Kamara, inihain ni Rep. Javier Miguel Benitez ang counterpart bill, House Bill No. 6761. Nanawagan naman si Aquino sa mga kongresista na agarang ipasa ang panukala upang tuluyang masawata ang katiwalian.
Itinuring ng Malacañang na prayoridad ang CADENA Act, kasama ng iba pang panukalang batas na nakalista sa legislative agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
(Larawan: Senate of the Philippines | Facebook)
