OFW na nagligtas ng sanggol sa sunog sa Hong Kong, sinalubong ni PBBM sa pagbabalik Pinas
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-12-16 15:29:53
DISYEMBRE 16, 2025 — Dumating na sa bansa ang Filipina domestic worker na si Rhodora Alcaraz, matapos niyang mailigtas ang tatlong-buwang sanggol mula sa sunog sa isang high-rise residential complex sa Hong Kong noong Nobyembre 26.
Personal siyang sinalubong ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ilang opisyal ng pamahalaan. Sa kanyang mensahe, pinuri ng Pangulo ang ipinakitang tapang at malasakit ni Alcaraz.
“Sa kabila ng panganib na kanyang hinarap ay pinili niyang iligtas ang sanggol na kanyang inaalagaan. Pinapakita nito ang likas na malasakit ng Pilipino sa kanyang kapwa,” ani Marcos.
Si Alcaraz, 28, ay bagong dating na kasambahay sa Hong Kong nang sumiklab ang apoy sa Wang Fuk Court sa Tai Po. Ayon sa kanyang kapatid na si Raychelle Loreto, binalot niya ang sanggol sa basang kumot at nanatiling nakakulong sa silid na puno ng usok nang ilang oras bago tuluyang nasagip ng mga bumbero.
Ang trahedya ay nagresulta sa mahigit 160 nasawi — itinuturing na pinakamalalang sunog sa residential building sa buong mundo mula 1980. Isa ring Pilipino ang nasawi, habang 89 iba pa ay ligtas na naitala ng Konsulado ng Pilipinas sa Hong Kong.
Batay sa imbestigasyon, pinalala ng hindi ligtas na protective netting at foam boards ang mabilis na pagkalat ng apoy sa gusaling nasa ilalim ng renovation. Dahil dito, 15 katao mula sa iba’t ibang construction firms ang inaresto sa kasong manslaughter, at anim pa kaugnay ng mga fire alarm na hindi tumunog.
Matapos gamutin sa ospital, nakabalik na si Alcaraz sa Pilipinas. Nagbigay ng tulong ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Migrant Workers sa kanya at sa kanyang pamilya.
Para sa komunidad ng mga Pilipino sa Hong Kong, si Alcaraz ay huwaran ng tapang at malasakit — isang “modern-day hero” na nagpatunay ng ‘di matitinag na dedikasyon ng mga OFW sa kanilang tungkulin at kapwa.
(Larawan: Reddit)
