Diskurso PH
Translate the website into your language:

5-anyos na batang nagkaroling, ginahasa, pinatay sa Batangas

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-23 13:57:44 5-anyos na batang nagkaroling, ginahasa, pinatay sa Batangas

December 23, 2025 - Isang limang taong gulang na batang babae na nagkaroling ang natagpuang patay at ginahasa sa Sto. Tomas, Batangas, nitong nakaraang weekend. Ayon sa ulat ng 24 Oras ni John Consulta, nakuhanan ng CCTV noong Biyernes, Disyembre 19, ang isang lalaking nakasuot ng pulang t-shirt na nakitang kasama ang biktima papasok sa isang bahay.

Kinabukasan, Disyembre 20, natagpuan ang katawan ng bata na nakabalot sa isang sako malapit sa creek sa Barangay Maugat, Tanauan. Base sa imbestigasyon, may laslas sa leeg ang biktima at pinaniniwalaang ginahasa bago pinatay. Sa isa pang CCTV footage, makikita ang suspek na may dalang bagong sako, at sa isa pang clip madaling-araw ng Sabado, nakuhanan ang paggalaw sa mga damuhan na pinaniniwalaang pagtapon ng katawan ng bata.

“Kami po ay naka-receive ng isang ulat sa pagkakadiskubre ng isang katawan ng isang batang babae, kung saan ito na nga po yung napaulat na nawawala,” pahayag ni Sto. Tomas Police Chief P/Lt. Col. Marlon Cabataña.

Ayon sa ina ng biktima, hindi niya napansin na umalis ang anak matapos magkaroling. Hinanap nila ito sa iba’t ibang lugar ngunit kinabukasan na lamang natagpuan ang bangkay. Lumabas sa imbestigasyon na inutusan ng isang lalaking kapitbahay ang anak nito na yayaing maglaro ang biktima sa kanilang bahay.

Dinakip ng mga awtoridad ang naturang kapitbahay sa isinagawang follow-up operation. Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya upang makakalap ng karagdagang ebidensya laban sa suspek. Samantala, nanawagan ang lokal na pamahalaan at mga residente ng Batangas ng hustisya para sa bata.

Ang insidente ay muling nagbigay-diin sa pangangailangan ng mas mahigpit na seguridad para sa mga bata, lalo na sa panahon ng kapaskuhan kung kailan karaniwan ang mga aktibidad gaya ng caroling.