Diskurso PH
Translate the website into your language:

‘Hindi pa ako kongresista!’ Ridon depensa sa ₱150M DPWH allegation

Margret Dianne FerminIpinost noong 2025-12-23 07:31:29 ‘Hindi pa ako kongresista!’ Ridon depensa sa ₱150M DPWH allegation

MANILA — Umalma si Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon matapos siyang madawit ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa umano’y ₱150 milyong “insertions” sa 2025 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang panayam, iginiit ni Ridon na imposible para sa kanya na magkaroon ng insertions sa 2025 national budget dahil hindi pa siya miyembro ng Kongreso nang ito ay binuo at inaprubahan. 

“Kababalik lang natin sa Kongreso ngayong taon, 30 June 2025, sa ilalim ng 20th Congress. Kaya paano ako magkakaroon ng insertions sa 2025 budget kung hindi pa ako congressman noong binuo ang budget na ito noong 2024, sa ilalim ng 19th Congress?” ani Ridon.

Binanggit ni Leviste sa isang panayam na hawak umano niya ang listahan ng mga proponent ng mga proyekto sa DPWH na nagmula sa yumaong dating Undersecretary Catalina Cabral. Ayon kay Leviste, kabilang sa listahan ang ilang kongresista, senador, at mga opisyal ng ehekutibo. 

Gayunman, iginiit ni Ridon na kung totoo ang listahan, mas mainam na ilabas ito nang buo at hindi paunti-unti. “Mas magandang ilabas na lang ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang buo, at hindi pa-konti-konting 2025 DPWH project listing with proponents,” ani Ridon.

Kinuwestiyon din ni Ridon kung bakit ngayon lamang inilabas ni Leviste ang naturang listahan, lalo na’t tapos na ang deliberasyon at pagpasa ng 2025 budget. “Bakit ngayon lang?” tanong ng kongresista, na iginiit na dapat ay mas maagang nailabas ang impormasyon upang masuri ng publiko at ng mga mambabatas.

Ang umano’y ₱150 milyong insertions ay bahagi ng mas malaking isyu ng multibillion-peso infrastructure allocations na nakapaloob sa DPWH budget. Nanawagan si Ridon na huwag gawing “political weapon” ang mga alegasyon at sa halip ay ilantad ang buong listahan para sa transparency.

Sa ngayon, nananatiling mainit ang usapin sa Kamara hinggil sa mga umano’y insertions, na nakikitang isa sa mga pinakamalaking kontrobersiya sa 2025 national budget.