Malaking tipak ng bato, bumagsak sa isang bahay sa Camarines Norte dahil sa tuloy tuloy na pag-ulan
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-24 00:10:08
LABO, Camarines Norte — Isang malaking tipak ng bato ang bumagsak sa isang tahanan sa Purok 6, Barangay Daguit, Labo, Camarines Norte kaninang tanghali, Disyembre 23, 2025, sanhi ng tuloy-tuloy na pag-ulan sa lugar.
Ayon sa ulat, tumama ang malaking bato sa kusina ng bahay na nagdulot ng pinsala sa pader at ilang gamit ng pamilya. Sa kasalukuyan, wala pang iniulat na nasaktan, subalit labis ang takot at pangamba ng mga residente dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan at posibilidad ng karagdagang pagguho ng bato o landslide sa paligid.
Agad na rumesponde ang lokal na pamahalaan at ilang barangay officials upang suriin ang pinsala at matiyak ang kaligtasan ng pamilya. Pinayuhan din ang mga residente na maging alerto at iwasan muna ang pagtira sa mga bahay na malapit sa matatarik na dalisdis o bundok habang nananatili ang masamang panahon.
Nagpaalala ang mga otoridad sa publiko na laging sumunod sa babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at ng lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) upang maiwasan ang aksidente dulot ng landslide o pagbagsak ng bato sa mga kabahayan. Patuloy ang monitoring sa lugar habang nananatiling alerto ang mga barangay tanod at rescue teams para sa anumang emergency. (Larawan: screengrab from Loida Armenta video / Facebook)
