Boxing: Inoue balik-Japan para depensahan ang korona kontra Akhmadaliev
Ace Alfred Acero Ipinost noong 2025-07-10 20:09:13
July 10 - Muling babalik sa sariling bayan ang “Monster” ng Japan na si Naoya Inoue para idepensa ang kanyang undisputed super-bantamweight world titles laban kay Murodjon Akhmadaliev ng Uzbekistan sa Setyembre sa Nagoya.
Inanunsyo ni Inoue nitong Huwebes ang kanyang susunod na laban makalipas ang matagumpay na pagdepensa kontra American Ramon Cardenas noong Mayo sa Las Vegas, kung saan bumagsak siya sa lona sa second round ngunit bumangon at nagtala ng eighth-round knockout.
Ito ang unang pagkakataong lumaban si Inoue sa labas ng Japan sa loob ng apat na taon, at ngayon ay nakatakdang harapin niya ang dating WBA at IBF world champion na si Akhmadaliev (14-1, 11 KOs), isang bronze medalist sa 2016 Rio Olympics.
Taglay ni Inoue ang malinis na kartadang 30 panalo, walang talo, at 27 knockouts.
“Gusto kong tutukan ang bawat aspeto ng aking galing sa training,” ani Inoue sa isang press conference sa Tokyo. “Maghahanda ako nang may matinding pag-iingat.”
Aminado si Inoue na siya ay nabigla sa matinding kaliwang hook ni Cardenas, na naging pangalawang beses lang siyang na-knockdown sa kanyang karera. Gayunpaman, bumawi siya sa pamamagitan ng bagsik ng kanyang suntok sa round 8.
Ito na ang ikalawang laban ni Inoue ngayong taon at ikaapat na depensa ng kanyang mga titulo mula nang maging undisputed champion. Noong Enero, tinalo rin niya sa knockout si Kim Ye-joon ng South Korea sa Tokyo.
Samantala, si Akhmadaliev ay nagwagi kontra Luis Castillo ng Mexico noong Mayo, isang panalong nagbalik sa kanya sa winning track matapos ang unang talo sa karera noong 2023.