Diskurso PH
Translate the website into your language:

Alex Eala, pasok sa semifinals ng ‘women’s tennis singles’ sa 2025 SEA Games

Robel A. AlmoguerraIpinost noong 2025-12-15 23:58:39 Alex Eala, pasok sa semifinals ng ‘women’s tennis singles’ sa 2025 SEA Games

THAILAND Tuloy-tuloy ang impresibong kampanya ng Filipina tennis star na si Alex Eala sa 2025 Southeast Asian (SEA) Games matapos siyang makapasok sa semifinals ng women’s tennis singles. Ito ay matapos niyang pataubin ang Malaysian player na si Shihomi Leong sa straight sets na 6-3, 6-1, sa ipinakitang kumpiyansa at kontroladong laro.

Mula pa sa unang set ay agad nang ipinakita ni Eala ang kanyang husay sa baseline at bilis sa court, dahilan upang hindi na makabalik sa momentum ang kanyang kalaban. Sa ikalawang set, mas lalo pang pinabilis ng Pinay athlete ang laro hanggang tuluyang maisara ang laban sa dominanteng panalo.

Ipinahayag ni Eala ang kanyang kasiyahan matapos ang laban at pinasalamatan ang mga nanood at sumuporta sa kanya.

“I’m very happy with the first round. It presented good challenges and I’m happy with how it went. Masaya ako sa crowd, maraming nanood. Maraming salamat sa suporta,” ani Eala.

Si Alex Eala, na kasalukuyang World No. 52 sa Women’s Tennis Association (WTA) rankings, ay itinuturing na isa sa pinakamalakas na pag-asa ng Pilipinas sa tennis event ng SEA Games. Ang kanyang mataas na ranggo at karanasan sa international tournaments ay nagbibigay sa kanya ng malaking bentahe laban sa mga regional competitors.

Sa semifinals, haharapin ni Eala ang Thai tennis player na si Naklo Thasasporn, isang laban na inaasahang magiging mas matindi at teknikal. Target ni Eala na makapasok sa finals at posibleng makasungkit ng ginto para sa Team Pilipinas. Patuloy namang umaasa ang mga Pilipinong tagahanga na magpapatuloy ang panalo ni Alex Eala bilang simbolo ng pag-usbong ng tennis sa bansa at inspirasyon sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino. (Larawan: SEA GAMES POOL)