Diskurso PH
Translate the website into your language:

HRep, Sinimulan ang Pagbusisi sa 2026 Budget ng Office of the President

Jaybee Co-AngIpinost noong 2025-09-09 12:04:19 HRep, Sinimulan ang Pagbusisi sa 2026 Budget ng Office of the President

Sinimulan na ng House Committee on Appropriations, pinamumunuan ni Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing, ang pagtalakay sa panukalang 2026 national budget ng Office of the President (OP).

Dumalo sa pagdinig si Executive Secretary Lucas Bersamin kasama ang iba pang opisyal ng OP para ipaliwanag at idepensa ang kanilang panukalang pondo.

Isa sa mga unang nagtanong si House Minority Leader Marcelino Libanan, na humingi ng paglilinaw kaugnay ng naging pahayag ni Bersamin. Sagot ng Executive Secretary, hindi ito para batikusin ang Kamara kundi para ipakita ang kahalagahan ng separation of powers at ang mandato ng Executive branch sa ilalim ng Konstitusyon.

Dagdag pa niya, layunin ng pahayag na makakuha ng suporta mula sa mas malaking kapulungan para sa budget ng OP, at hindi para lumikha ng tensyon sa pagitan ng Executive at Legislative.

Matapos ang ilang pahayag mula sa mga miyembro ng Minority, tinapos na ng komite ang deliberasyon. Katuwang ni Suansing sa pamumuno ng pagdinig si Bataan 2nd District Rep. Albert Garcia, na senior vice chairperson ng komite.