Diskurso PH
Translate the website into your language:

Bagong Taripa sa Kalakalan, Nagdulot ng Pangamba sa Ekonomiya ng Mundo

Marijo Farah A. BenitezIpinost noong 2025-02-08 20:14:22 Bagong Taripa sa Kalakalan, Nagdulot ng Pangamba sa Ekonomiya ng Mundo

Ang kamakailang pagpataw ng taripa ng Estados Unidos sa mga import mula sa Canada, Mexico, at China ay nagdulot ng malaking pag-aalala sa pandaigdigang ekonomiya. Ang hakbang na ito ng pamahalaan ng U.S. ay nagpapakita ng matinding tensyon sa kalakalan, na may malawakang epekto sa lahat ng mga bansang kasangkot.

 

Ang U.S. ay isang pangunahing kasosyo sa kalakalan para sa mga bansang ito, na siyang pinagmumulan ng malaking bahagi ng kanilang mga eksport. Noong 2024, ang kabuuang halaga ng mga import ng U.S. mula sa tatlong bansa ay lumampas sa $1.2 trilyon, na bumubuo ng mahigit 40% ng kabuuang import ng bansa. Habang lubos na umaasa ang Mexico at Canada sa merkado ng U.S. — 77% at 84% ng kanilang mga eksport — mas maliit ang sa China, na 15% lamang ng kanilang eksport ang napupunta sa U.S.

 

Iba-iba ang inaasahang epekto sa mga bansang apektado. Ang Mexico, na may malalim na ugnayan sa kalakalan ng U.S., ang pinakamalaki ang matatamong pinsala. Ayon sa mga eksperto, maaaring tumaas ang inflation rate ng Mexico sa 6% taun-taon at humina ang piso ng 7%, na maaring magdulot ng banta ng recession. Sa Canada, maaaring bumaba ang GDP nito ng 2.7% ngayong taon at 4.3% sa susunod na taon, kasabay ng pagtaas ng presyo ng bilihin.

 

Para sa U.S., ang agarang epekto ay mas mataas na presyo ng mga bilihin. Ang mga produktong gaya ng abokado at sasakyan mula sa Mexico, manok at petrolyo mula sa Canada, at elektroniko mula sa China ay papatawan ng karagdagang buwis na 10% hanggang 25%. Inaasahang ipapasa ng mga negosyo ang dagdag-gastos sa mga mamimili, na posibleng magdagdag ng $830 sa taunang gastos ng bawat pamilya at magpababa ng GDP growth ng U.S. ng 0.4% sa pangmatagalan.

 

Bilang tugon, mabilis na kumilos ang mga bansang naapektuhan. Nag-anunsyo ang Canada ng taripa sa mga produktong U.S. na nagkakahalaga ng $106.6 bilyon, habang ang ilang lalawigan ay kumilos sa pamamagitan ng pagtigil sa pag-angkat ng alak mula sa ilang estado ng U.S. Nagbalak din ang China at Mexico na magpataw ng mga paniningil bilang ganti, bagaman hindi pa malinaw ang detalye. Parehong naghain ng reklamo ang U.S. at China sa World Trade Organization, na nagpapakita ng tumitinding tensyon.

 

Ipinapakita ng sigalot na ito ang pagkakaugnay-ugnay ng pandaigdigang ekonomiya at ang panganib ng proteksyonistang patakaran. Habang naghahanda ang mga negosyo at mamimili sa epekto nito, ang sitwasyon ay isang paalala na walang tunay na nagwawagi sa digmaan sa kalakalan — tiyak na pag-aalala at hamon lang ang idudulot nito sa lahat.

 

(Larawan mula sa Bangkok Post)