Lalamove Pumasok na sa Ride-Hailing, May Kompetitibong Rates at Benepisyo para sa mga Driver
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-02-11 12:09:54
Ang Lalamove, isang kilalang kumpanya sa delivery services, ay opisyal nang sumabak sa ride-hailing market, na naglalayong magbigay ng abot-kayang pamasahe at mga kaakit-akit na benepisyo para sa mga driver. Inanunsyo ng kumpanya ang paglulunsad ng serbisyo nito sa mga pangunahing lugar tulad ng Greater Manila, Pampanga, at Cebu.
Upang mahikayat ang mga driver, nagpakilala ang Lalamove ng isang komisyon na 2% lamang, kung saan 98% ng kita ay mapapasakamay ng mga driver. Bukod dito, makakakuha rin sila ng mga benepisyong inaalok sa mga delivery partner ng kumpanya. Sa ganitong paraan, mas naging kaaya-aya ang Lalamove bilang alternatibo sa ride-hailing market na kasalukuyang pinangungunahan ng Grab.
Ang desisyon ng Lalamove na mag-expande sa ride-hailing ay tugon sa patuloy na pangangailangan ng mga commuter na matagal nang humihiling ng mas abot-kaya at maginhawang serbisyo. Bagaman ipinagbabawal dati ng kumpanya ang pag-transport ng pasahero, marami ang hindi pormal na gumamit ng app para sa personal na biyahe. Ngayon, pormal nang inilulunsad ng Lalamove ang ride-hailing service nito.
Magkakaroon ng flexibility ang mga driver na pumili sa pagitan ng delivery at ride-hailing services, ngunit hindi sabay. Sa ganitong sistema, maaari silang mag-maximize ng kita sa pamamagitan ng pagtanggap ng ride bookings sa peak hours at delivery orders sa off-peak hours.
Inaasahang magdulot ng mas matinding kompetisyon ang pagpasok ng Lalamove sa ride-hailing market, lalo na’t target nitong mag-onboard ng 15,000 driver pagsapit ng mid-2025. Kailangang matugunan ng mga interesadong driver ang mga regulasyon tulad ng Certificate of Public Convenience, professional driver’s license, at iba pang kinakailangang clearance.
Sa matagumpay nitong track record sa delivery services at malakas na focus sa abot-kayang serbisyo at kasiyahan ng mga driver, handa nang maging pangunahing player si Lalamove sa ride-hailing industry, na nag-aalok ng mas makabuluhang alternatibo para sa mga commuter at driver.
(Larawan: Motorplus)
