Keppel Philippines, Magde-delist na sa PSE
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-02-22 18:45:53
Matapos maging bahagi ng Philippine Stock Exchange (PSE) simula 1987, nag-anunsyo na ang Keppel Philippines Holdings Inc. (KPHI) na magvo-voluntary delist na ito sa palitan. Kasabay nito, magsasagawa ang Kepwealth Inc. ng tender offer na nagkakahalaga ng ₱268.63 milyon para bilhin ang mga shares ng minority shareholders. Aprubado na ito ng board of directors ng KPHI, kasama ang mga independent members nito, at hinihintay na lang ang pag-apruba ng mga shareholders.
Para masiguro ang transparency, nagbigay ng three-day trading suspension ang PSE para sa KPHI shares mula Pebrero 21 hanggang 24, 2025. Layunin nito na bigyan ng sapat na oras ang mga investor, lalo na sa ibang time zones, na masuri ang mga disclosure ng kumpanya bago magdesisyon. Sa tender offer, ₱27.40 bawat share ang alok ng Kepwealth, na tututok sa 17.13% free-float shares na hawak ng minority investors.
Para magtagumpay ang delisting, kailangang matupad ang dalawang kondisyon: kumpletohin ni Kepwealth ang tender offer at makakuha ng hindi bababa sa 95% ng outstanding shares ng KPHI, ayon sa requirement ng PSE. Isang special stockholders’ meeting naman ang nakatakda sa Abril 24, 2025, para botohan ang proposal.
Ayon kay Juan Paolo Colet ng Chinabank Capital Corporation, maganda ang hakbang na ito. "KPH stock has been trading at a steep discount to its net asset value for years. The delisting finally gives minority shareholders a very good opportunity to exit. It is a testament to the Keppel Group's high standard of corporate governance that they made sure to treat their minority shareholders fairly by offering a generous tender offer price.," ani Colet. (Matagal nang mababa ang presyo ng KPH shares kumpara sa net asset value nito. Sa delisting, magkakaroon ng magandang pagkakataon ang minority shareholders na makalabas. Ipinapakita rin nito ang mataas na standard ng corporate governance ng Keppel Group dahil patas ang alok nila sa mga minoridad).
Itinatag noong 1975 bilang Keppel Philippines Shipyard Inc., naging investment holding company ito noong 1993. Ngayon, nakatuon ang KPHI sa real estate at investment holdings, kasama ang mga subsidiary nito tulad ng KPSI Property Inc. at Goodwealth Realty Development Corp.
Malaking pagbabago ang delisting para sa KPHI, na nagpapakita ng stratehiya ng parent company nitong Keppel Corporation mula sa Singapore. Para sa minority shareholders, magandang pagkakataon ito para makalabas, habang abang-abang ang mas malawak na merkado sa pag-alis ng isa pang malaking kumpanya sa PSE.
(Larawan: Inquirer Business)
