4.5M na videos sa PH, tinanggal ng TikTok dahil sa paglabag sa guidelines
Ipinost noong 2025-04-04 13:28:16
Abril 4, 2025 — Inanunsyo ng TikTok na tinanggal nito ang halos 4.5 milyong videos mula sa platform nito sa Pilipinas mula Hulyo hanggang Setyembre 2024 dahil sa paglabag sa community guidelines.
Sa panayam sa mga mamamahayag, sinabi ni TikTok public policy manager Peachy Paderna na 99% ng mga tinanggal na videos ay proactive na na-delete, ibig sabihin, naalis ang mga ito bago pa man ma-report. Sa mga na-flag, 98% ay natanggal sa loob ng 24 oras.
"What we have is a very agile trust and safety team that takes very quick action on Community Guidelines violations so that we can keep our community users safe on TikTok (Ang aming trust and safety team ay mabilis kumilos sa paglabag sa Community Guidelines upang mapanatiling ligtas ang aming users sa TikTok)," paliwanag ni Paderna.
Ibinahagi rin niya na ang video-hosting site ay may 40,000 safety professionals na tumutulong sa pagpapatupad ng kanilang community guidelines.
Mahigpit na ipinagbabawal ng platform ang mga content na may kaugnayan sa:
- Karahasan at hate speech
- Ilegal na aktibidad
- Harassment at bullying
- Self-harm at misinformation
Hinihikayat ng TikTok ang users na i-report ang mga hindi naaangkop na content. Para mag-report ng video, sundin ang mga hakbang na ito:
- I-tap ang “Share” button sa gilid ng video.
- Pindutin ang “Report.”
- Piliin ang dahilan ng report.
- I-click ang “Submit.”
Pinaliwanag din ni Paderna na ang pagtanggal ng content ay hindi nangangahulugang agad-agad ding tatanggalin ang account, aniya, "It's not a matter of [having] as many people as possible reporting one account. Like, we don't need multiple reports to pay attention to community violations (Hindi ito usapin ng dami ng reports sa isang account. Hindi namin kailangan ng maraming ulat para bigyang-pansin ang paglabag sa community guidelines)."
Larawan: Swello/Unsplash
