GCash users, puwede nang bumili ng retail treasury bonds; minimum P5k lang!
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-08-06 19:53:42
AGOSTO 6, 2025 — Milyun-milyong Filipino na ang may pagkakataong mamuhunan sa gobyerno nang mas madali at abot-kaya — gamit lang ang GCash. Sa bagong feature nitong GBonds, puwedeng bumili ng Retail Treasury Bonds (RTB 31) ang sinumang verified user kahit walang bank account.
Minimum P5,000 lang ang puhunan, walang dagdag na bayad, at puwedeng mag-order sa app hanggang August 15. Ang RTB 31, na may 6% annual interest rate at limang taong term, ay bahagi ng P2.6 trillion borrowing program ng gobyerno para sa mga proyektong pampubliko.
Ayon kay National Treasurer Sharon Almanza, malaking hakbang ito para mas maraming Pilipino ang makapag-ipon at makatulong sa pag-unlad ng ekonomiya.
Noong rate-setting auction, umabot sa P210 billion ang naipon ng Bureau of the Treasury (BTr) mula sa P30 billion target dahil sa P354.2 billion na bids.
Dinagdag ni GCash CEO Martha Sazon na sa GBonds, kahit ordinaryong mamamayan ay makakasabay na sa pag-invest at nation-building.
Paano bumili?
Buksan ang GCash app at pumunta sa GInvest.
Piliin ang GBonds at mag-register sa PDAX account (kung fully verified at updated ang KYC).
Mag-order at kumpirmahin sa loob ng ilang minuto.
Ang GBonds ay binuo kasama ang BTr, PDAX, at Bonds.ph, at naging available noong Hulyo. Walang prosesong masalimuot — digital, mabilis, at secure.
Ito ay para sa mga gustong mag-ipon nang may mas mataas na interest, o kaya'y makatulong sa pagpondo sa mga proyektong gaya ng infrastructure at serbisyong panlipunan.
Abangan ang susunod na investment opportunities sa GCash habang patuloy ang push ng gobyerno para sa financial inclusion.
(Larawan: GCash | Facebook)
