South Korea wildfires, 16 ang nasawi, bilang posibleng tumaas
Ipinost noong 2025-03-26 13:36:17
Marso 26, 2025 — Hindi bababa sa 16 katao ang nasawi habang patuloy na lumalagablab ang wildfire sa timog-silangang bahagi ng South Korea, na nagpilit sa libu-libong residente na lumikas at nagdulot ng matinding pinsala sa mga komunidad. Dahil sa sunog, inilikas din ng mga awtoridad ang daan-daang bilanggo mula sa mga kulungan.
Ayon sa Safety Ministry, ang wildfire sa Uiseong County na nagsimula noong Sabado ay nasa 68% pa lang ang nakokontrol hanggang Miyerkules ng madaling-araw (5 a.m. local time, 2100 GMT). Pinalakas pa ng malalakas na hangin ang apoy, at 12 sa mga nasawi ay mula sa sunog na ito. Samantala, apat pang pagkasawi ang naitala mula sa hiwalay na wildfire sa Sancheong County.
Ayon kay Lee Byung-doo, isang eksperto sa forest disasters mula sa National Institute of Forest Science, hindi kapani-paniwala ang bilis at lawak ng sunog sa Uiseong. Inaasahan ding magpapatuloy ang tuyong panahon sa mga apektadong lugar, na lalo pang nagpapahirap sa containment efforts.
Samantala, nangako si Acting President Han Duck-soo na magpapadala ng firefighting helicopters at ground personnel para labanan ang mga sunog. Binanggit din niya ang pangangailangang tugunan ang mga salik na nagpapalala ng mga wildfire, kabilang na ang climate change.
Ayon kay Lee, mas malamang na dumalas ang malalaking wildfire sa hinaharap, tulad ng mga kamakailang sunog sa Los Angeles at hilagang-silangan ng Japan. "We have to admit large-scale wildfires are going to increase and prepare more resources and manpower (Dapat nating tanggapin na mas dadalas ang malalaking wildfire at kailangan nating maghanda ng mas maraming resources at tauhan)," sinabi niya sa isang lokal na TV station.
Kabilang sa mga nasawi ang apat na indibidwal na nagtangkang tumakas gamit ang sasakyan, ngunit naaksidente at tumagilid ito, na nagresulta sa tatlong pagkamatay at isang sugatan, ayon sa Yonhap News Agency.
Sa ngayon, mahigit 15,000 ektarya (37,065 acres) ng lupa, kabilang ang mga sinaunang templo at kabahayan, ang nasira sa Uiseong fire. Idineklara na ng gobyerno bilang special disaster zones ang mga apektadong lugar.
Sa kabila ng patuloy na pagsisikap ng mga bombero, hindi pa rin kontrolado ang mga sunog, na nagdudulot ng pangamba sa posibleng mas matinding pinsala sa rehiyon.
Larawan: Cathy Withers-Clarke/Canva
