Biglang Tumaas ang mga Kaso ng COVID-19 sa Singapore, Thailand at Hong Kong!
Ipinost noong 2025-05-19 12:05:13
Maynila, Pilipinas- Nakakaranas ang Singapore ng mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 mula noong huling linggo ng Abril. Sa ikalawang linggo ng pagsipa ng COVID-19, naitala ang 14,200 na bagong impeksyon mula Abril 27 hanggang Mayo 3. Sa ikatlong linggo, umabot na sa 25,900 ang bagong kaso mula Mayo 5 hanggang 11, 2025.
Ayon sa Ministry of Health (MOH) ng Singapore, ang pagtaas ay dulot ng Omicron sub-variant JN.1, na bumubuo sa dalawang-katlo ng mga kaso sa bansa. Naniniwala rin sila na ang pagtaas ay dahil sa humihina na ang immunity ng populasyon laban sa sakit. Pinapayuhan nila ang mga Singaporean na panatilihing updated ang kanilang mga bakuna laban sa COVID-19.
Sa Hong Kong naman, mabilis din ang pagtaas ng mga kaso mula Abril 27 hanggang Mayo 10, 2025. Ang pinakamaraming bilang ng pagkamatay dahil sa COVID-19 ay naitala sa panahon ng Abril 27 hanggang Mayo 3. Ito ang pinakamataas na antas ng mga insidente ng COVID-19 sa bansa mula 2024 hanggang 2025. Isang kapansin-pansing epekto nito ay ang pagkansela ng konsiyerto ni Hong Kong singer Eason Chan sa Taiwan matapos siyang mahawaan ng COVID-19.
Sa Thailand, lumobo ang mga kaso ng COVID-19 matapos ang basang at siksikang Songkran Festival na ginanap noong Abril 13 hanggang 15. Naitala ang 14,800 na kaso ng COVID-19 sa Thailand, kung saan tatlo ang namatay at 8,446 ang kinailangang ma-ospital mula Abril 27 hanggang Mayo 3, 2025. Sa sumunod na linggo, Mayo 4 hanggang 10, umabot sa anim ang namatay at 16,607 ang naitalang kaso. Ipinakita rin ng Thailand na kinakailangan ang updated na bakuna laban sa COVID-19. Hindi rin nakatulong na ang mga biktima ng COVID-19 ay hindi naka-quarantine kahit kinakailangan.
