U.S Bise Presidente JD Vance, Inaya ang Santo Papa Bumisita sa Estados Unidos!
Ipinost noong 2025-05-20 14:16:57
Maynila, Pilipinas- Inimbitahan ni Bise Presidente ng Estados Unidos JD Vance si Papa Leo XIV na bumisita sa Amerika sa pamamagitan ng isang liham mula kay Pangulong Donald Trump at Unang Ginang Melania Trump, sa kanilang pagkikita sa Vatican noong Mayo 19. Ito ang kauna-unahang pormal na pagpupulong sa pagitan ng bagong halal na Santo Papa at ng administrasyong Trump. Wala pang komento ang Vatican tungkol sa imbitasyon. Ang unang biyahe sa ibang bansa ng Papa ay malamang na sa Turkey dahil ito ay upang ipagdiwang ang ika-1,700 anibersaryo ng Council of Nicea, na ngayon ay tinatawag na Iznik at nasa Turkey. Ito ang unang ecumenical council ng Simbahang Kristiyano na naganap.
Sa kanilang pag-uusap, ibinigay ni Vance ang isang Chicago Bears jersey na may pangalan ng Santo Papa, bilang pagkilala sa kanyang pinagmulan sa Chicago. Bilang kapalit, iniregalo ni Papa Leo XIV ang isang bronze sculpture na pinamagatang "Peace is a fragile flower" at isang photo book ng mga papal apartments.
Kasama ni Vance sa delegasyon si Kalihim ng Estado Marco Rubio at kanilang mga asawa. Tinalakay nila ang mga isyu tulad ng kalayaan sa relihiyon, pag-uusig sa mga Kristiyano, at ang pagnanais na wakasan ang mga digmaan sa Ukraine at Gitnang Silangan. Ipinahayag ng Vatican ang kahandaang maging tagapamagitan sa mga usapang pangkapayapaan. Minungkahi ni Rubio na pwede magpamagitan sa pagitan sa Ukraine at Russia na may gera sa kanila ngayon. Tumagal ng 45 na minuto ang meeting sa Santo Papa sa delegasyon na galing sa Estados Unidos.
Bagaman may mga nakaraang tensyon sa pagitan ng Vatican at ng administrasyong Trump, lalo na sa isyu ng imigrasyon, ang pagpupulong na ito ay itinuturing na hakbang upang muling paigtingin ang ugnayan ng dalawang panig.
