Diskurso PH
Translate the website into your language:

Mga Armadong Lalaki Pumatay ng Mahigit 100 Katao sa Benue State, Nigeria!

Ipinost noong 2025-06-16 17:09:20 Mga Armadong Lalaki Pumatay ng Mahigit 100 Katao sa Benue State, Nigeria!

Maynila, Pilipinas- Pinaslang ng mga armadong lalaki ang hindi bababa sa 100 katao sa isang overnight attack sa Yelwata, isang komunidad sa Guma area ng Benue State, sa gitnang Nigeria. Naganap ang pag-atake mula gabi ng Biyernes hanggang madaling araw ng Sabado, Hunyo 14, 2025, ayon sa Amnesty International Nigeria.

Ayon sa pahayag ng Amnesty International, maraming pamilya ang ikinulong at sinunog sa loob ng kanilang mga silid-tulugan. "Maraming katawan ang nasunog at hindi na makilala," dagdag ng grupo. Daan-daang tao ang nasugatan at naiwang walang sapat na pangangalagang medikal, habang dose-dosenang iba pa ang nawawala.

Kinumpirma ni Udeme Edet, tagapagsalita ng pulisya sa Benue, ang pag-atake sa Yelwata ngunit hindi tinukoy ang bilang ng mga namatay. Gayunpaman, sinabi ng mga lokal na residente sa mga foureign journalists na natatakot silang umabot sa mahigit 100 ang bilang ng mga nasawi. Isang residente, si Amineh Liapha Hir, ay nagsabing, "Napakasama nito, maraming tao ang namatay. Maaaring higit pa sa 100, at maraming bahay din ang nasunog." Isa pang residente, si Christian Msuega, ay nakaligtas sa pag-atake ngunit namatay ang kanyang kapatid na babae at bayaw matapos masunog nang buhay.

Ang Yelwata ay isang farming community at nagsisilbing tirahan para sa mga internally displaced persons (IDPs) na tumakas mula sa naunang pag-atake ng mga milisya ng Fulani sa mga kalapit na bayan. Ayon sa mga saksi, mahigit 40 armadong lalaki ang pumasok sa nayon sakay ng motorsiklo, sumisigaw ng "Allahu Akbar" habang pinagbabaril ang mga sibilyan, lumipat mula bahay-bahay, sinunog ang mga tahanan, at walang pinipiling pumatay.

Karaniwan ang mga ganitong pag-atake sa rehiyon kung saan nagbabanggaan ang mga lokal na magsasaka, na karamiha'y Kristiyano, at mga herder, na karamiha'y Muslim na etnikong Fulani, dahil sa limitadong access sa lupa at tubig. Inakusahan ng mga magsasaka ang mga herder, karamihan ay nagmula sa Fulani, na pinapastol ang kanilang mga alagang hayop sa kanilang mga bukid at sinisira ang kanilang ani. Iginigiit naman ng mga herder na ang mga lupain ay mga ruta ng pastulan na unang sinuportahan ng batas noong 1965.

Nanawagan ang Amnesty International Nigeria sa mga awtoridad ng Nigeria na "agad na tapusin ang halos araw-araw na pagdanak ng dugo sa Benue State at dalhin ang mga tunay na salarin sa hustisya." Binigyang-diin din ng grupo ang "nakababahalang pagdami ng mga pag-atake sa buong estado ng Benue kung saan ang mga armadong lalaki ay patuloy na pumapatay nang walang anumang parusa."

Nagpahayag ng panalangin si Pope Leo XIV nitong Linggo para sa mga biktima ng "kakila-kilabot na masaker" sa Benue State, lalo na para sa "mga komunidad ng Kristiyano sa kanayunan ng Benue State na walang humpay na biktima ng karahasan."