Pinoy sa California, arestado matapos umanong magpadala ng pera sa grupong ISIS
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-08-06 08:52:43
CALIFORNIA, U.S.A. — Inaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Long Beach, California ang isang Pilipinong green card holder na si Mark Lorenzo Villanueva, 28 taong gulang, matapos itong masangkot sa umano’y pagpapadala ng pondo sa teroristang grupong Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Ayon sa inilabas na ulat ng U.S. Department of Justice, si Villanueva ay nahaharap sa kasong “attempting to provide material support” sa isang itinalagang foreign terrorist organization, isang mabigat na kasong may kaugnayan sa pambansang seguridad.
Batay sa imbestigasyon, si Villanueva ay nakapagtala ng labindalawang transaksyon sa loob lamang ng limang buwan, na may kabuuang halagang $1,615. Ang naturang halaga ay ipinadala umano sa dalawang indibidwal na pinaghihinalaang may kaugnayan sa mga mandirigmang miyembro ng ISIS.
Mas lalong lumala ang kaso ni Villanueva matapos mabunyag sa mga online chat logs na siya mismo ay nagpahayag ng kagustuhang sumali sa ISIS, at nagsabing “karangalan ang mamatay para sa pananampalataya.”
Sa isinagawang pagsalakay sa kanyang tinutuluyang silid, narekober ng mga ahente ng FBI ang ilang hinihinalang pampasabog at mga patalim, na lalo pang nagpatingkad sa banta na maaaring idulot niya sa seguridad.
Sa isang pahayag, iginiit ng mga otoridad na, “Seryosong banta sa pambansang seguridad ang sinumang nagbibigay ng tulong, pondo, o suporta sa mga teroristang grupo. Ang batas ng Estados Unidos ay malinaw na hindi ito pinahihintulutan at may kaakibat itong mabigat na parusa.”
Si Villanueva ay inaasahang haharap sa korte sa Los Angeles, at kung mapatunayang nagkasala, maaari siyang makulong ng hanggang 20 taon. Patuloy din ang masusing imbestigasyon ng US government sa kanyang mga aktibidad online, pinagmumulan ng pera, at mga posibleng koneksyon sa labas ng bansa.
Ang insidenteng ito ay nagdulot ng pangamba sa Filipino-American community sa California. Marami ang nananawagan ng mahigpit na pagbabantay at aksyon laban sa radikalisasyon, habang pinupuri naman ng iba ang mabilis na kilos ng FBI sa pagharang sa posibleng mas malalang banta.
Habang ang imbestigasyon ay nagpapatuloy, nananatili si Villanueva sa kustodiya ng mga awtoridad at mahigpit na binabantayan.
(Source: Philippine News Channel)
(Larawan: Google)
