Ilang Pilipino kabilang sa mga nasawi sa trahedyang bus crash sa New York — DFA
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-23 16:11:31
New York - Nagpahayag ng matinding pagdadalamhati ang Department of Foreign Affairs (DFA) matapos makumpirmang kabilang ang ilang Pilipino sa mga nasawi sa malagim na aksidente ng isang tourist bus sa New York, Estados Unidos nitong Biyernes, Agosto 22 (oras doon).
Ayon sa ulat, bumibiyahe pabalik ng New York City mula Niagara Falls ang bus na may sakay na 54 pasahero nang mawalan ng kontrol ang drayber sa kahabaan ng Interstate 90 malapit sa Pembroke, Genesee County. Nagresulta ito sa pagtaob ng bus na ikinasawi ng lima at ikinasugat ng halos lahat ng iba pang pasahero.
Kabilang sa mga nasawi ang mga turista mula sa iba’t ibang bansa gaya ng India, China, Middle East, at Estados Unidos, bukod pa sa mga Pilipino na kinumpirma ng DFA. Hindi naman agad ibinunyag ang pagkakakilanlan ng mga biktima habang inaabisuhan pa ang kanilang mga pamilya.
Batay sa imbestigasyon ng New York State Police, posibleng sanhi ng aksidente ang pagka-distract ng drayber at maling pagmamaniobra. Agad na isinantabi ang mga hinalang may kinalaman ang mechanical failure o pagkalasing sa insidente.
Mahigit walong medical helicopters at dose-dosenang ground responders ang rumesponde sa lugar. Nagsilbi ring mahalaga ang mga translator dahil karamihan sa mga sakay ay pawang dayuhan.
Nagpaabot naman ng pakikiramay sina New York Governor Kathy Hochul at US Senator Chuck Schumer at pinuri ang mabilis na aksyon ng mga rescuers.
Samantala, tiniyak ng DFA at ng Philippine Consulate General sa New York na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at handang magbigay ng tulong sa mga pamilya ng mga apektado. Nagbukas din ang konsulado ng Assistance-to-Nationals Hotline sa numerong (917) 294-0196 para sa mga nangangailangan ng agarang suporta.
Ang naturang aksidente ay nagdulot ng matinding pagkabigla at pagdadalamhati sa mga komunidad ng mga biktima, kabilang ang mga Pilipino na naglakbay para sana sa isang masayang pagbisita sa Niagara Falls.
