Israeli Airstrikes tumama sa Gaza Hospital; 20 patay kabilang ang mga mamamahayag
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-25 22:40:08
Khan Younis, Gaza — Mahigit 20 katao ang nasawi matapos tamaan ng dalawang magkasunod na airstrike ng Israel ang Nasser Hospital sa Khan Younis, timog Gaza, nitong Lunes. Ayon sa Gaza Health Ministry, kabilang sa mga nasawi ang ilang doktor, rescuer, at limang mamamahayag.
Batay sa ulat, unang tinamaan ng bomba ang ika-apat na palapag ng ospital bago muling sumabog ang ikalawang airstrike ilang minuto lang ang pagitan. Sa pangalawang pagsabog, tinamaan naman ang mga mamamahayag at mga sumasaklolo na agad rumesponde sa unang pag-atake.
Kumpirmado ang pagkamatay ng limang mamamahayag:
Hussam al-Masri – Reuters contractorMariam Abu Dagga – freelance journalist ng Associated Press
Mohammed Salama – Al Jazeera
Moaz Abu Taha – photojournalist
Ahmed Abu Aziz – Quds Feed
Samantala, nasugatan din ang Reuters photographer na si Hatem Khaled.
Kinumpirma ng Israel Defense Forces (IDF) na sila ang nagsagawa ng airstrike sa lugar ng ospital. Ayon sa kanilang pahayag, wala silang intensyon na targetin ang mga mamamahayag at sila’y “nagpapahayag ng panghihinayang” sa mga nasawi. Nagsagawa rin umano sila ng imbestigasyon tungkol sa operasyon.
Dahil sa tama ng airstrike, nasira ang ilang bahagi ng ospital kabilang ang operating rooms, na mas lalong nagpalala sa krisis sa serbisyong medikal sa Gaza.
Ayon sa mga grupo ng media at human rights, ang insidenteng ito ay isa sa pinakamatinding pag-atake laban sa mga mamamahayag sa kasaysayan. Simula pa noong Oktubre 2023, tinatayang mahigit 190 mamamahayag na ang napatay sa Gaza, karamihan ay mga lokal na reporter.
Larawan mula sa CNN
