Bangkay ng 93-anyos na holocaust survivor, natagpuan sa likod ng bahay ng anak sa Israel
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-21 23:16:31
KARMIEL, ISRAEL — Isang nakakagulat na insidente ang yumanig sa lungsod ng Karmiel, hilagang Israel, matapos matagpuan ng mga pulis ang bangkay ng isang 93-anyos na Holocaust survivor na nakalibing sa tatlong metrong lalim na hukay sa likod ng bahay ng kanyang anak na babae.
Ayon sa mga awtoridad, pinaghihinalaan ang anak ng biktima at ang kasintahan nito na tinago ang pagkamatay ng matanda upang patuloy na makatanggap ng social security at survivor payments mula sa pamahalaan ng Israel.
Nagsimula ang imbestigasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa isang kapitbahay na nakapansin ng kahina-hinalang kilos ng magkasintahan. Nang magsagawa ng pagsisiyasat ang mga pulis, natuklasan ang bangkay ng matanda na maingat na nakalibing sa likod-bahay ng tahanan.
Sa kasalukuyan, nakadetine na ang dalawang suspek habang patuloy ang malalimang imbestigasyon sa posibleng kasong fraud at failure to report a death. Isinailalim din sa forensic examination ang labi ng biktima upang matukoy ang eksaktong sanhi at panahon ng pagkamatay nito.
Nagpahayag naman ng pagkabigla at dalamhati ang mga residente ng Karmiel, lalo’t kilala umano ang biktima bilang isa sa mga natitirang Holocaust survivors na nakaligtas sa mga trahedya ng digmaan at namuhay nang payapa sa Israel sa loob ng maraming taon.
Ayon sa mga pulis, patuloy ang kanilang pagsisikap na matukoy kung may iba pang sangkot sa pagtatago ng krimen at sa umano’y panlilinlang laban sa estado. (Larawan: Israel Police / Google)
