Philippine Embassy itinanggi ang umano’y US crackdown sa dual citizens
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-10-21 15:23:40
WASHINGTON, D.C. — Nagbabala ang Philippine Embassy sa Estados Unidos sa mga Filipino-American laban sa maling impormasyon na kumakalat sa social media kaugnay ng umano’y “crackdown” sa dual citizenship ng US government simula Oktubre 2025.
Ayon sa opisyal na advisory ng embahada, “This is not true,” bilang tugon sa isang viral video na nagsasabing may bagong patakaran ang US na nagbabawal sa dual citizenship. “The U.S. government has not implemented any policy changes regarding dual citizenship,” dagdag pa ng embahada.
Hinimok ng embahada ang Filipino community na huwag basta-basta maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon at huwag gumawa ng legal na desisyon gaya ng pag-renounce ng Philippine citizenship batay lamang sa social media content. “Renunciation of Philippine citizenship is a serious, irreversible legal action,” paalala ng embahada.
Binanggit din sa advisory na patuloy na kinikilala ng US ang dual citizenship at wala umanong bagong polisiya na nag-uutos sa mga mamamayan na isuko ang isa sa kanilang mga nasyonalidad.
Pinayuhan ang mga Fil-Am na direktang makipag-ugnayan sa embahada o sa pinakamalapit na Philippine Consulate para sa mga tanong ukol sa dual citizenship upang maiwasan ang pagkalito at maling hakbang.