US Vice President J.D. Vance, bumisita sa command center ng international task force sa Israel
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-10-21 23:20:42
ISRAEL — Patungo si US Vice President J.D. Vance sa Kiryat Gat area mula Ben Gurion Airport upang bumisita sa command center ng bagong tatag na US-backed international force na siyang nangangasiwa sa pagpapatupad ng ceasefire sa Gaza.
Ang nasabing task force, na binubuo ng mahigit 200 miyembrong American military team at mga kinatawan mula sa Egypt, Qatar, Turkey, at posibleng United Arab Emirates (UAE), ay itinatag upang ipatupad ang kasunduang ukol sa pagpapalaya ng mga bihag at tigil-putukan na pinangasiwaan ni President Donald Trump.
Bago ang pagbisita, nakipagpulong si Vance sa loob ng dalawang oras sa Ben Gurion Airport kasama sina White House advisers Steve Witkoff at Jared Kushner upang pag-usapan ang susunod na mga hakbang para sa pagpapatatag ng kapayapaan sa rehiyon.
Ayon sa ulat, layunin ng pagbisita ni Vance na personal na masuri ang operasyon ng task force at tiyakin ang epektibong koordinasyon ng mga bansang kasali sa pagpapatupad ng kasunduan sa Gaza. (Larawan: Wikipedia / Google)