Childlike sex dolls ng Shein, pinullout na sa merkado matapos ireklamo sa France
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-11-04 11:37:03
NOBYEMBRE 4, 2025 — Agad na inalis ng Chinese online retailer na Shein ang mga sex dolls na may anyong bata mula sa kanilang website matapos itong matuklasan ng consumer watchdog sa France.
Ayon sa Directorate-General for Competition, Consumer Affairs, and Fraud Control (DGCCRF), nakita nila ang naturang mga produkto sa site ng Shein, kasama ang iba pang pornograpikong item.
“Their description and categorization on the site leave little doubt as to the child pornography nature of the content,” pahayag ng ahensya.
(Ayon sa kanilang deskripsyon at pagkakakategorya sa site, walang dudang may katangiang child pornography ang nilalaman.)
Iniulat na rin ng DGCCRF sa mga judicial authorities ang insidente. Binatikos din ng ahensya ang kakulangan ng proteksyon sa site para sa mga menor de edad at sensitibong audience.
Sa tugon ng Shein sa Reuters, sinabi ng kumpanya: “The products in question were immediately removed from the platform as soon as we became aware of these major shortcomings.”
(Agad naming inalis ang mga nasabing produkto sa platform nang malaman namin ang mga seryosong pagkukulang.)
Dagdag pa ng kumpanya, “Shein has a zero-tolerance policy towards any content or products that violate our internal policies or applicable laws.”
(May zero-tolerance policy ang Shein sa anumang nilalaman o produktong lumalabag sa aming panuntunan o sa batas.)
Ang kontrobersiya ay lumabas ilang araw bago ang nakatakdang pagbubukas ng unang pisikal na tindahan ng Shein sa France, sa Bazar de l’Hôtel de Ville (BVH) sa Paris. Bukod dito, plano rin ng kumpanya na magbukas ng limang karagdagang tindahan sa loob ng Galeries Lafayette sa mga lungsod ng Angers, Dijon, Grenoble, Limoges, at Reims.
Samantala, patuloy naman ang pagbabatikos mula sa mga lokal na retailer sa France na nagsasabing sinisira ng Shein ang kanilang negosyo dahil sa sobrang baba ng presyo ng mga produkto nito.
(Larawan: YouTube / Yahoo)
