Pope Leo sa mga kabataan: ‘Huwag gamitin ang AI para sa homework’
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-25 08:20:30
VATICAN CITY — Binalaan ni Pope Leo XIV ang kabataang Amerikano na huwag hayaang gawin ng artificial intelligence (AI) ang kanilang mga takdang-aralin, sa kanyang unang digital na pakikipag-ugnayan sa libu-libong kabataan sa Estados Unidos.
Sa isang live video transmission mula sa Vatican patungo sa National Catholic Youth Conference sa Indianapolis, Indiana noong Nobyembre 21, nakipag-usap ang Santo Papa sa humigit-kumulang 15,000 kabataan. Sa loob ng halos 40 minuto, sumagot siya sa mga tanong tungkol sa pananampalataya, teknolohiya, at pamumuhay bilang kabataan.
“Using AI responsibly means using it in ways that help you grow. Don’t ask it to do your homework for you,” ani Pope Leo, na kilala bilang unang U.S.-born pope. Dagdag pa niya, ang AI ay “becoming one of the defining features of our time,” ngunit dapat gamitin ito nang may pananagutan upang makatulong sa personal na pag-unlad, hindi bilang pamalit sa sariling pagsisikap.
Bukod sa babala laban sa maling paggamit ng AI, hinikayat din ng Santo Papa ang kabataan na maging intentional sa paggamit ng oras sa harap ng screen, sa kanilang panalangin, at sa pakikilahok sa parokya. Binanggit niya si St. Augustine of Hippo bilang huwaran ng paghahanap ng tunay na kaligayahan sa Diyos.
Ang kaganapan ay tinaguriang “unang digital visit ng Santo Papa sa U.S.” at nagbigay-daan sa mas malapit na pakikipag-ugnayan sa kabataan. Limang kabataan ang nagtanong sa kanya, kabilang ang tungkol sa pagkakaibigan sa paaralan, polarization sa lipunan, at paggamit ng teknolohiya.
Bagama’t nakatuon ang mensahe sa kabataan, binigyang-diin ni Pope Leo na ang teknolohiya ay maaaring maging kasangkapan para sa pananampalataya at paghubog ng karakter, kung gagamitin nang tama. “AI can never replace human intelligence or moral responsibility,” dagdag pa niya sa hiwalay na panayam.
