Sunog sa Hong Kong tower kumitil ng 128, 19 Pilipino kabilang sa nawawala
Margret Dianne Fermin Ipinost noong 2025-11-29 09:35:57
HONG KONG — Umakyat na sa 128 katao ang kumpirmadong nasawi sa malagim na sunog na tumupok sa Wang Fuk Court housing estate sa Tai Po, Hong Kong, na tinaguriang pinakamalalang sunog sa lungsod sa loob ng halos 80 taon. Ayon sa mga awtoridad, tinapos na ang rescue operations ngunit tinatayang 200 katao pa ang nawawala.
Kabilang sa mga nawawala ang 19 Pilipino, karamihan ay mga domestic worker, ayon kay Edwina Antonio, executive director ng migrant women refuge group na Bethune House. “Dozens of domestic workers from the Philippines had been caught up in the disaster and 19 were still missing,” pahayag ni Antonio.
Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine Consulate General sa Hong Kong, na patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na awtoridad upang matukoy ang kalagayan ng mga nawawalang Pilipino. Naglatag na rin ng tulong at counseling services para sa mga apektadong pamilya.
Ayon sa ulat ng Hong Kong Security Bureau, nagsimula ang sunog noong Nobyembre 26 at mabilis na kumalat sa pitong 32-palapag na gusali ng Wang Fuk Court complex. Maraming residente ang na-trap sa kanilang mga unit dahil umano sa hindi gumaganang fire alarms. “Fire alarms were not working properly,” ayon sa pahayag ng mga opisyal.
Samantala, iniulat ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) na walo katao ang inaresto kaugnay ng posibleng katiwalian sa renovation project ng nasabing gusali. “The Independent Commission Against Corruption also said it had launched a task force to investigate possible corruption in the renovation project at the complex,” ayon sa ulat.
Nagpatuloy ang pagdadalamhati sa lugar ng sunog, kung saan maraming residente at pamilya ng mga biktima ang nag-alay ng bulaklak at kandila. Ayon sa mga nakaligtas, ilang beses na nilang inireklamo ang kaligtasan ng gusali bago pa man mangyari ang trahedya.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakaantabay ang pamahalaan ng Pilipinas sa resulta ng imbestigasyon at sa pagkilala sa mga biktima. Nagpahayag ng pakikiramay ang Department of Migrant Workers (DMW) at tiniyak na bibigyan ng tulong ang mga pamilya ng mga nawawalang Pilipino.
Ang insidente ay nagmarka ng isa sa pinakamalalang trahedya sa kasaysayan ng Hong Kong, na muling nagbigay-diin sa kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng fire safety standards sa mga high-rise residential buildings.
Larawan mula WSFA-TV
