Mahigit 44-milyon sa buong mundo, apektado ng HIV; WHO, pinalalakas ang panawagan sa PrEP at condom use
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-12-21 23:12:22
DISYEMBRE 21, 2025 — Iniulat ng World Health Organization (WHO) na mahigit 44 na milyong tao sa buong mundo ang may HIV noong 2024. Sa bilang na ito, tinatayang nasa 40.8 milyon ang kasalukuyang nabubuhay na may HIV, kung saan humigit-kumulang 65 porsyento ay mula sa kontinente ng Africa. Patuloy itong itinuturing na isang malaking hamon sa pandaigdigang kalusugan, lalo na sa mga bansang may limitadong access sa serbisyong medikal at impormasyon hinggil sa pag-iwas at paggamot.
Bilang tugon sa patuloy na pagdami ng kaso, binigyang-diin ng Sexually Transmitted Infections (STI) Hub ang kahalagahan ng pagpapalawak ng kaalaman ng publiko tungkol sa mga mabisang paraan ng pag-iwas sa HIV at AIDS, partikular ang paggamit ng Pre-Exposure Prophylaxis o PrEP at condom. Ayon sa mga eksperto, kayang pababain ng PrEP ang tsansa ng pagkakaroon ng HIV ng halos 99 porsyento mula sa pakikipagtalik, lalo na kung ito ay ginagamit kasabay ng condom.
Dagdag pa rito, mas nagiging epektibo ang proteksyon laban sa HIV kapag sabay na ginagamit ang PrEP at condom, dahil nagbibigay ito ng dobleng pananggalang laban sa virus. Gayunman, binigyang-diin din na mahalagang tuloy-tuloy at tama ang pag-inom ng PrEP upang maiwasan ang posibleng hindi kanais-nais na epekto sa katawan at upang masiguro ang buong bisa nito.
Itinuturing din ng mga health advocate na ang paggamit ng PrEP at condom ay hindi lamang usapin ng pisikal na kalusugan, kundi mahalaga ring hakbang sa pagbawas ng stigma at diskriminasyon na patuloy na nararanasan ng mga taong nabubuhay na may HIV. Sa pamamagitan ng tamang impormasyon at bukas na talakayan, mas nagiging kampante ang mga indibidwal sa kanilang sexual activities habang nananatiling responsable at may malasakit sa sariling kalusugan at sa kapwa. Patuloy namang hinihikayat ng mga eksperto ang pamahalaan at mga institusyong pangkalusugan na palakasin pa ang mga programang pang-edukasyon at serbisyong may kaugnayan sa HIV prevention upang mapababa ang bilang ng mga bagong kaso sa hinaharap. (Larawan: Aidsmap )
