Vlogger na si “Thailand Girl” arestado sa Cyber Libel, naka-piyansa matapos ang pag-aresto sa Koronadal
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-08-09 20:30:53
KORONADAL CITY, South Cotabato — Arestado ang isang 28-anyos na vlogger na kilala sa online bilang “TG” o “Thailand Girl” matapos ipatupad ng pinagsanib na puwersa ng Koronadal City Police Station, San Pedro Police Station–Davao City, at Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) 12 ang isang warrant of arrest laban sa kanya. Naaresto ang suspek sa Barangay Morales, Koronadal City, pasado alas-11:56 ng umaga noong Agosto 8, 2025.
Batay sa ulat, ang warrant ay kaugnay ng kasong Online Libel sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. May rekomendadong piyansa ang kaso na nagkakahalaga ng ₱48,000.
Ipinag-utos ang pag-aresto ni Hon. Clarissa M. Superable-Develos, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 52, 11th Judicial Region sa Davao City, noong Mayo 20, 2025. Maayos at walang naging komprontasyon sa isinagawang operasyon.
Matapos ang pag-aresto, nakapagpiyansa umano ang suspek at muling namataan sa social media na nasa labas na at gumagala, bagama’t wala pang opisyal na pahayag mula sa mga awtoridad hinggil sa kanyang kasalukuyang kalagayan. Ang impormasyon ay kinumpirma ng DXOM Radyo Bida Koronadal City.