DFA: kaanak ni Gretchen Ho, tinanggihan sa palitan ng dolyar sa Oslo dahil sa lumang 'grey list'
Marijo Farah A. Benitez Ipinost noong 2025-10-09 18:00:09
OKTUBRE 9, 2026 — Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes na ang napabalitang pagtanggi sa isang Pinoy sa palitan ng dolyar sa Oslo, Norway ay bunga ng paggamit ng isang lumang listahan ng mga bansang may mataas na peligro sa money laundering.
Ayon sa DFA, ang foreign exchange counter sa Gardermoen Airport ay nakabatay pa rin sa outdated na grey list ng Financial Action Task Force (FATF), kung saan nakalista ang Pilipinas bilang bansang may kakulangan sa mga batas kontra money laundering at terorismo.
Tinanggal na ang Pilipinas sa FATF grey list noong Pebrero 2025, at sa European Union grey list noong Agosto 2025.
Dagdag ng ahensiya, nakipag-ugnayan na ang Norwegian Foreign Ministry sa Financial Supervisory Authority of Norway upang i-update ang talaan at alisin ang Pilipinas sa listahan ng mga bansang may mataas na panganib sa money laundering.
Ang pahayag ng DFA ay tugon sa social media post ni Gretchen Ho, kung saan ibinahagi niyang tinanggihan ang kanyang kaanak sa palitan ng dolyar sa Oslo.
Ayon sa tauhan ng counter: “You came from the Philippines? We cannot exchange your dollars because of the corruption and money laundering in the Philippines.”
(Galing ka sa Pilipinas? Hindi namin puwedeng palitan ang dolyar mo dahil sa korapsyon at money laundering sa Pilipinas.)
Bagama’t outdated na ang listahang ginamit, nananatiling sensitibo ang reputasyon ng bansa sa usaping korapsyon. Nitong taon, lumutang ang panibagong eskandalo kaugnay ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa mga proyekto kontra pagbaha, na ayon sa Securities and Exchange Commission ay nagdulot ng pagkawala ng trilyong halaga sa merkado ng mga kumpanyang nakalista sa stock exchange sa loob lamang ng tatlong linggo.
(Larawan: Gretchen Ho | Facebook)