Zoren at Carmina, naging emosyonal sa malasakit ng kambal na sina Cassy at Mavy
Ana Linda C. Rosas Ipinost noong 2025-10-10 03:40:28
Maynila — Emosyonal na nagbahagi sina Zoren Legaspi at Carmina Villarroel-Legaspi tungkol sa kanilang kambal na anak na sina Cassy at Mavy, matapos sagutin ang mga isyung ipinupukol ng bashers sa kanilang pamilya.
Sa isang panayam, ipinagtanggol ng mag-asawa ang kanilang mga anak laban sa mga negatibong komento sa social media, at sa halip ay ibinahagi nila kung gaano sila ka-proud sa malasakit at pagmamahal ng kambal.
Ikinuwento ni Zoren ang isang hindi malilimutang pangyayari nang maospital siya nang halos isang buwan dahil sa karamdaman. Sa panahong iyon, palihim umanong sinagot ni Cassy ang ilang hospital bills ng kanyang ama — isang bagay na labis na tumimo sa puso ng aktor.
“’Yun ‘yung isang wish ng magulang. ‘Yun ‘yung fear ng mga magulang eh. Minsan, ‘pag tanda ‘di ba, sasabihin sino mag-aalaga sa akin? Ako, I am at peace dahil alam kong aalagaan kami nitong dalawa,” ani Zoren.
Samantala, ibinahagi naman ni Carmina ang isang sweet childhood memory kay Mavy, kung saan ipinangako nitong aalagaan siya kapag tumanda na siya.
“You know what, mom? When you grow older, I'm gonna carry you going up the stairs and going down,” kuwento ng aktres, na halatang napuno ng emosyon habang inaalala ang sinabi ng anak noong pito pa lamang ito.
Sa kabila ng mga batikos na natatanggap ng kanilang pamilya online, ipinahayag ng mag-asawa na mas pinipili nilang magpasalamat sa mabubuting ugali at pagmamahal ng kanilang mga anak. Para kina Zoren at Carmina, ang kanilang kambal ay pinakamalaking biyaya at sandigan pagdating ng panahon.
“Bilang magulang, hindi mo maiiwasan ‘yung takot na baka dumating ang panahon na maiwan ka. Pero ngayon, kampante ako. Kasi alam kong may Cassy at Mavy kami,” dagdag pa ni Zoren.
*Sina Carmina Villarroel-Legaspi at Zoren Legaspi ay isa sa mga pinakamatatag na showbiz couples sa bansa. Ang kanilang kambal na sina Cassy at Mavy ay kapwa aktibo sa showbiz at kilala sa kanilang mabuting pakikitungo sa fans at kapwa artista.
larawan/google