Diskurso PH
Translate the website into your language:

Nag-viral na video muling nagpasiklab ng usap-usapan: BTS’ Jimin at aktres na si Song Da-eun, magkasintahan nga ba?

Gerald Ericka SeverinoIpinost noong 2025-08-27 19:54:19 Nag-viral na video muling nagpasiklab ng usap-usapan: BTS’ Jimin at aktres na si Song Da-eun, magkasintahan nga ba?

Seoul, South Korea — Muling naging laman ng balita at social media ang BTS member na si Jimin matapos kumalat ang isang video kasama ang aktres na si Song Da-eun, bagay na nagpanibago ng dating tsismis tungkol sa kanilang relasyon.


Sa naturang video na in-upload ni Song Da-eun at agad ding binura, makikitang tila nagulat siya nang biglang pumasok si Jimin sa isang elevator. May maririnig pang mga linyang nagsasabing sadyang dumalaw siya nang hindi nagpapaalam, dahilan para mas lumakas ang hinala ng fans na may espesyal na ugnayan ang dalawa.


Hindi na bago ang ganitong isyu sa kanilang dalawa. Noon pa man ay napapansin na ng ilang netizens ang paggamit umano nila ng magkatulad na gamit at halos sabay na mga post sa social media. Taong 2022 nang unang umusbong ang haka-haka, ngunit parehong nanahimik sina Jimin at Song Da-eun tungkol dito.


Noong 2023, itinanggi pa ng aktres ang umano’y relasyon at nagbabala laban sa mga netizens na nagpapakalat ng malisyosong komento.


Ngayon, matapos ang viral na elevator video, iba-iba ang naging tugon ng publiko. Marami sa ARMY, ang fandom ng BTS, ang nagpahayag ng pagkadismaya, hindi dahil sa posibilidad na may karelasyon si Jimin, kundi dahil sa tila paglabag sa kanyang privacy. May ilan namang nagsabing masaya sila kung totoong nakahanap ng pag-ibig ang idolo, ngunit naniniwala silang dapat manatili itong pribado.


Hanggang sa kasalukuyan, walang opisyal na pahayag mula kay Jimin o sa kanyang ahensya na Big Hit Music. Nanatili ring tikom ang bibig ni Song Da-eun matapos burahin ang naturang post.


Sa kabila ng paulit-ulit na tsismis, nananatiling palaisipan kung may katotohanan nga ba ang ugnayan ng dalawa. Ngunit malinaw na ipinapakita ng insidente kung gaano kaselan ang isyu ng privacy pagdating sa mga K-pop idols at kung gaano kabilis kumalat ang haka-haka sa panahon ng social media.