Alden Richards, may patutsada: Ipinaliwanag ang ibig sabihin ng “kuracaught”
Gerald Ericka Severino Ipinost noong 2025-09-11 20:12:55
Setyembre 11, 2025 – Nag-viral ang isang Instagram story ng Kapuso actor at Asia’s Multimedia Star Alden Richards matapos niyang ibahagi ang art card mula sa content platform na Linya Linya na nagpapaliwanag ng kahulugan ng salitang “kuracaught.”
Ayon sa Linya Linya, ang kuracaught ay pinagsamang salita mula sa “kurakot” (na tumutukoy sa katiwalian) at “caught” (na nangangahulugang nahuli). Sa naturang post na ipinakalat ni Richards, binigyang-diin na ang ibig sabihin nito ay: “Corrupt na opisyal o indibidwal na huling-huli na sa ginagawang walang-habas na katiwalian at pangungurakot.”
Ang simpleng pagbabahaging ito ay nagdulot ng diskusyon sa social media, lalo’t kasalukuyang usap-usapan ang umano’y anomalya sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa mga ulat, lumutang ang pangalan ng ilang kontratista at opisyal ng gobyerno na iniimbestigahan dahil sa diumano’y maanomalyang transaksyon.
Isa sa mga napasama sa usapin ay si Quezon City 1st District Representative Arjo Atayde, asawa ng aktres na si Maine Mendoza. Mariin namang itinanggi ni Atayde ang pagkakadawit niya sa isyu at kinondena ang mga paratang na inihayag ng contractor na si Curlee Discaya.
Naglabas din ng opisyal na pahayag si Mendoza upang ipagtanggol ang kanyang asawa laban sa mga alegasyon. Iginiit ng mag-asawa na walang basehan ang mga akusasyong ipinupukol laban kay Atayde at hinimok ang publiko na huwag basta maniwala sa mga maling impormasyon.
Samantala, nanatiling hindi tuwirang nagbigay-komento si Alden Richards tungkol sa nasabing anomalya. Gayunman, marami sa mga tagasubaybay ang nakapansin na ang pagbabahagi niya ng nasabing post tungkol sa “kuracaught” ay nagkataong sumasabay sa lumalawak na diskurso hinggil sa katiwalian sa mga proyektong pang-imprastruktura.
Patuloy namang nananawagan ang ilang mambabatas at mga grupo ng civil society na palakasin ang imbestigasyon upang mapanagot ang mga sangkot at mapanumbalik ang tiwala ng publiko sa mga proyekto ng pamahalaan.
Larawan: Alden Richards Instagram