Alma Concepcion, pumalag sa mga bashers matapos depensahan si Arjo Atayde
Robel A. Almoguerra Ipinost noong 2025-09-11 22:26:55
MANILA — Hindi pinalampas ni dating beauty queen at aktres Alma Concepcion ang mga netizen na bumatikos sa kanya matapos niyang ipagtanggol ang pamilya Atayde kaugnay ng isyung kinahaharap ni Quezon City Rep. Arjo Atayde.
Nagsimula ang kontrobersiya nang pangalanan ni contractor Curlee Discaya si Arjo sa umano’y kickbacks mula sa flood control project ng DPWH. Mariing itinanggi ng kongresista ang akusasyon at iginiit na hindi siya kailanman tumanggap ng benepisyo mula sa sinumang kontratista. Maging ang kanyang asawang si Maine Mendoza ay naglabas ng pahayag sa Facebook, kung saan nilinaw niyang hindi galing sa pera ng taumbayan ang kanilang mga ari-arian.
Samantala, nadamay din ang aktres na si Sylvia Sanchez, ina ni Arjo, matapos kuwestyunin ng netizens ang kanilang beach resort, yacht, at mga rest house. Bilang tugon, naglabas si Alma ng mga “receipts,” kabilang na ang isang lumang post noong 2021 na nagpapakita ng yacht ni Sylvia bago pa man mahalal si Arjo noong 2022. Ayon kay Alma, dapat munang suriin ng mga kritiko ang timeline bago magbitaw ng akusasyon.
Nang siya mismo ay banatan ng ilang netizens—tinawag siyang “laos” at sinabing nakikinabang lamang siya sa Atayde family—agad itong bumuwelta. Ani Alma, mas mabuti nang naging sikat siya, nakapag-ipon, at natulungan ang kanyang mga kapatid. Paalala niya, lahat ng artista ay dumarating sa puntong humuhupa ang kasikatan, ngunit mahalaga na napakinabangan ang pagkakataon at nakapag-iwan ng magandang pamana.
Para kay Alma, malinaw ang kanyang legasiya: ginamit niya ang kanyang kasikatan nang tama, nag-invest nang maayos, at hanggang ngayon ay patuloy pa ring nagtatrabaho sa industriya habang ipinaglalaban ang mga taong malapit sa kanya. (Larawan: Alma Concepcion / Fb)